SA kanyang pangangampanya, pinasok kamakailan ni Sen. Grace Poe ang Ilocandia na balwarte ni Sen. Bongbong Marcos.

Pagdating niya sa Ilocos Norte, sinalubong siya ng gobernador nito na si Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni Bongbong. Sa pag-iikot niya sa buong lalawigan, hindi siya iniwan ng gobernadora. Nagtungo sila sa Batas public market at sa mga lugar kung saan ginawa ni Fernando “Da King” Poe Jr., ang shooting ng kanyang mga pelikula. Kasama rito ang San Agustin Church kung saan nagsimba ang dalawa at ang sand dunes ng Paoay na kinaroroonan ng estatwa ni Da King. Kasama rin ng senadora si Imee nang harapin niya ang mga estudyante ng Mariano Marcos University.

Sa isang pagtitipon, nang magsalita ang dalawa, tinawag ng gobernadora ang senadora na “kabsat” na ang ibig sabihin ay kapatid, at tinawag naman ng senadora ang gobernadora ng “manang” na ang ibig sabihin ay nakatatandang kapatid.

Kinilig at nagtawanan ang mga ilokanong nakikinig sa kanila. Matagal na kasing tsimis na ang senadora ay anak ni Pangulong Ferdinand Marcos, ama nina Sen. Bongbong at Gov. Imee, kay Rosemarie Sonora. Si Rosemarie ay kapatid naman ni Susan Roces na ina-anahan ng senadora nang ampunin siya nito at ng asawa niyang si Da King. Ang tsismis na umabot sa amin noong panahong nasa broadcast media pa kami ay kaya tuluyang naglagi sa Amerika si Rosemarie ay dahil may banta sa kanyang buhay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tsismis lang daw ito at walang batayan, ayon sa senadora. Aniya, hindi ito nagugustuhan ng isa sa kanyang mga kamag-anak. Ang tinutukoy niya ay si Sheryl Cruz, anak ni Rosemarie. Pero nang tanungin si Gov. Imee ng mga reporter kung ano ang nasa isip niya kung manalo sina Sen. Grace at Sen. Bongbong, ang sagot niya: “Eh di Marcos-Marcos,” sabay tawa.

Kung walang batayan ang tsismis na ito na matagal nang kumakalat, tulad ng sinabi ng senadora, bakit hindi mismo si Rosemarie ang gumiit nito? May paraan ang katotohanan kung paano niya ihahayag ang kanyang darili. Baka itinuturo nito kay Sen. Grace ang daan para mapalapit siya sa kanyang kadugo. Baka lugso ng dugo ang mainit namang pagtanggap ng gobernadora sa senadora. Hindi na kailangan ang DNA test. Kasi kung alam ng taumbayan kung sino ang pumatay kay Ninoy, alam na rin nila kung sino ang mga magulang ng senadora. (RIC VALMONTE)