Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta dahil sa mga isasagawang road reblocking at repair sa EDSA ngayong weekend.
Ayon sa MMDA, magsisimula ang road reblocking and repair ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong Biyernes, mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga sa Lunes, Pebrero 15.
Kabilang sa isasaayos na kalsada ang southbound ng EDSA, sa harap ng Camp Crame, ikatlong lane mula sa sidewalk, at C.P. Garcia Street, sa pagitan ng Ma. Regidor at F. Florentino, ikalawang lane mula sa sidewalk.
Kukumpunihin din ang northbound ng EDSA sa harap ng Camp Aguinaldo, ikalimang lane mula sa sidewalk.
Inirekomenda ni DPWH-National Capital Region Director Melvin Navarro kay MMDA Chairman Emerson Carlos ang reblocking at repair para sa pagmamantine sa mga nabanggit na kalye.
Sa Linggo, isasara sa trapiko ang westbound ng White Plains Avenue, mula sa EDSA hanggang sa Temple Drive, kaugnay ng pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power.
Magtatayo ang EDSA People Power Commission (EPPC) ng experimental museum sa bahaging ito ng White Plains simula sa Pebrero 14.
Maaaring gamitin ng mga motorista ang Kamias Road, Aurora Boulevard, P. Tuazon, Boni Serrano/Santolan, at Ortigas, C5 bilang mga alternatibong ruta. (Bella Gamotea)