Pinalawak ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang listahan ng high-risk destinations o mga lugar na mapanganib puntahan, kung saan maaaring kumolekta ng hazard pay ang mga marinong Pilipino na sakay ng mga international sea vessel.

Sa Governing Board Resolution No. 5, series of 2016, inilista ng POEA ang mga bansa, na itinuturing nitong mapanganib para sa mga marino dahil sa patuloy na kaguluhan, pagkalat ng nakahahawang sakit o, pinamumugaran ng mga pirata.

Ang hakbang ay resulta ng International Bargaining Forum ng POEA, na isinagawa nitong Disyembre kasama ang stakeholders.

Ang Gulf of Aden, West Indian Ocean at Red Sea, kabilang ang Internationally Recognized Transit Corridor (IRTC) hindi kasama ang mga daungan ng Yemen, ay itinuturing na high risk areas dahil madalas silang dayuhin ng mga pirata.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga marinong Pinoy, na mananatili o daraan sa Gulf of Aden, ay makakukuha ng bonus pay, at dobleng bayad sa pagkamatay o pagkainutil depende sa haba ng kanilang pananatili sa lugar.

Pahihintulutan din sila sa right to refuse sailing o karapatan na tumangging maglayag, kasama ang repatriation na gagastusan ng kumpanya at kabayaran na katumbas ng dalawang buwang suweldo.

Ang mga marino na daraan sa West Indian Ocean at Red Sea ng IRTC ay tatanggap ng parehong mga benepisyo sa araw na ang kanilang barko ay inatake, maliban sa karapatan na tumangging maglayag. Sa halip sila ay bibigyan ng karapatan na mas pagbutihin pa ang pinakamainam na management practice.

Sa parehong kaso (Gulf of Aden at West Indian Ocean, Red Sea, at IRTC), ang mga bonus at kabayaran ay hindi babayaran kapag ang barko ay nakaangkla o nakadaong sa mga ligtas na daungan, maliban sa Somalia.

Ang Somali North Coast at ang lahat ng Ports of Yemen ay hindi kasama sa listahan ng POEA at binigyan ng war-like classification.

Ang mga marinong Pinoy na nasa loob ng mga lugar na may war-like status ay makatatanggap ng bonus pay na katumbas ng kanilang basic wage, na babayaran sa loob ng limang araw bukod pa sa bawat araw sa tagal ng pananatili.

Tatanggap din sila ng dobleng kabayaran sa pagkamatay at pagkainutil at karapatan na tumangging maglayag, kasama na ang repatriation sagot ng kumpanya at kabayaran katumbas ng dalawang buwang suweldo.

Para sa Yemen, ang mga benepisyong ito ay magkakabisa lamang kapag ang barko ay nakadaong sa mga daungan.

“As a vessel departs at berth within Yemen and the last line is let go for departure on passage, the status of being within a war-like operations area shall end,” saad sa resolusyon.

Nagbigay din ng POEA ng high risk designation para sa territorial waters (12 nautical miles) sa mga daungan ng Gulf of Guinea at inland waterways ng Nigeria at Benin, kabilang na ang mga daungan, terminal at daan, anchorage, ang delta ng Niger River, iba pang inland waterways at port facilities, maliban sa lamang kung ang barko ay ligtas na nakakabit na isang kamarote o SBM facility sa guwardiyadong port area.

Ang mga marinong Pinoy, na maglalayag sa mga lugar na ito ay bibigyan ng mga sumusunod na benepisyo: bonus na katumbas ng suweldo, na babayaran sa actual duration/transit; dobleng kabayaran para sa pagkamatay at pagkainutil; karapatan na tumangging maglayag, kasama ang repatriation na sasagutin ng kumpanya; at pinaigting na security requirements. (SAMUEL MEDENILLA)