Warriors, binasag ang record ng Bulls.

PHOENIX (AP) – Hinila ng Golden State Warriors ang winning streak sa 11 at binasag ang NBA record ng Chicago Bulls bago ang All-Star Weekend.

Bahagyang kinapos si Stephen Curry para sa isang triple-double performance matapos ipahinga sa final period kung saan abante ang Golden State Warriors tungo sa 112-104, panalo kontra Phoenix Suns nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila).

Hataw si Curry sa naiskor na 26 na puntos, 9 na rebound at 9 na assist para sa defending NBA champions. Sa record na 48-4, naitala ng Warriors ang best record sa loob ng 52 laro sa kasaysayan ng NBA, isang panalo na mas matibay sa nagawa ng Chicago Bulls (1995-96) at Philadelphia 76ers (1966-67). Ang Bulls, sa pangunguna ni NBA legend Michael Jordan ay tumuloy noong naturang season sa league-record 72 panalo.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Kabilang si Steve Kerr, coach ng Warriors, sa matikas koponan ng Bulls ng maisagawa ang naturang record.

SPURS 98, MAGIC 96

Sa Orlando, Florida, nakumpleto ng San Antonio Spurs ang matikas na pagbangon mula sa 14 na puntos na paghahabol, tampok ang short jumper ni Kawhi Leonard sa huling 0.9 segundo para maagaw ang panalo.

Tumapos si Leonard, starter ng West Team sa All-Star Games sa darating na weekend, sa natipang 23 puntos, habang kumubra si LaMarcus Aldridge ng 21 puntos. Nag-ambag si Patty Mills ng 17 puntos at 7 assist para sa ikaapat na sunod na panalo ng Spurs.

Nanguna si Evan Fournier, nagpatabla sa laro sa huling pagkakataon sa naibuslong 3-pointer may 13.3 segundo sa laro, para sa Orlando sa nakubrang 28 puntos. Kumana naman sina Nikola Vucevic ng 20 puntos at 13 rebound, Victor Oladipo na may 14 na puntos at Elfrid Payton na umiskor ng 13 puntos at 7assist.

Tuluyang nabura ng Spurs ang 14 na puntos na bentahe ng Magic mula sa jumper ni Aldridge para makuha ang 94-93 bentahe may 1:10 sa laro. Nadugtungan ni Leonard ang abante sa 96-93 mula sa dalawang free throw tungo sa huling isang minuto ng laro.

Nagawang pigilan ng San Antonio ang dalawang pagtatangka ng Magic, ngunit nakawala si Fournier at naisalpak ang 3-pointer para sa 96-all may 13.3 segundo sa laro.

Mula sa timeout, nakagawa ng play ang San Antonio at si Leonard ang tamang player, sa tamang pagkakataon para sa Spurs.

KINGS 114, SIXERS 110

Sa Philadelphia, kumana ng double-double si DeMarcus Cousins – 28 puntos at 12 rebounds, habang humugot ng 25 puntos si Darren Collison para sandigan ang Sacramento Kings kontra sa Sixers.

Humirit din si Rajon Rondo na may 14 na puntos, 8 rebound at 15 assist para sa Kings, natuldukan ang four-game losing streak at nabigyan ng positibong pagkakataon si coach George Karl na napabalitang sisibakin ng Kings management.

Napantayan ni rookie Jahlil Okafor ang career-high 26 na puntos at 10 rebound, habang kumana si Robert Covington ng career-high 29 na puntos para sa Sixers.

GRIZZLIES 109, NETS 90

Sa New York, winasak ng Memphis Grizzlies, sa pangunguna ni Mike Conley na umiskor ng 20 puntos, ang Brooklyn Nets.

Maagang nadomina ng Grizzlies ang tempo ng laro sa matikas na outside shooting na nagbunga ng pitong 3-pointer at kabuuang 39 na puntos sa third period para palobohin ang bentahe.

Ratsada rin si Zach Randolph sa naiskor na 15 puntos, sapat upang hindi masyadong maramdaman ng Grizzlies ang pagkawala ni star center Mark Gasol, nagtamo ng injury sa laro laban sa Portland nitong Lunes.

HORNETS 117, PACERS 95

Sa Indianapolis, anim na Hornets player, sa pangunguna ni Kemba Walker na kumana ng 25 puntos, ang umiskor ng double digits laban sa Indiana Pacers.

Nag-ambag si Jeremy Lamb ng 16 na puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Hornets (27-26) at kauna-unahan laban sa Indiana mula noong Nobyembre 2008.

Nanguna sa Pacers (28-25) si Paul George na nagtumpok ng 22 puntos, 8 rebound at 6 na assist.