“KAPAG ako ay nanalong pangulo,” wika ni Mayor Duterte, “palalayain ko si (dating) Pangulong Arroyo.” Sa tinurang ito ng akalde, eh, parang si Pangulong Noynoy ang umiipit sa dating Pangulo. Kaya, ayon sa tagapagsalita ng Liberal Party (LP) na si Barry Gutierrez, mali ang pagkakaintindi ng alkalde sa tamang proseso ng batas. Ang kaso ng dating Pangulong Arroyo ay nasa korte na, kaya ito ang magpapasiya kung idi-dismiss ito o bibigyan siya ng piyansa.

Ito ang naging pangako ni Duterte pero ibang usapan kung ito ay kanyang matutupad. Ito ang kanyang naging pahayag:

“Kung ang prosekusyon ay hindi handa sa tuwing may hearing, dapat i-dismiss ng korte ang kaso dahil inaatraso nila ang daloy ng hustisya.” Alam pala ni Duterte na ang magdi-dismiss ng kaso ay korte, bakit nangako siya na siya ang magpapalaya kay dating Pangulong Gloria? Abogado si Duterte kaya’t alam niyang hindi niya ito mapapalaya na walang kautusan mula sa korte. At alam niya rin na labag sa batas ang utusan niya ang korte na ibasura na nito ang kaso at pakawalan na ang dating pangulo. Nangako lang si Duterte dahil nasa teritoryo siya ni Pampanga Representativce Gloria. Pangako niya lang ito dahil panahon ng kampanya, bahala na ang Pampangeño na ipatupad ito sa kanya kung sakaling siya ang magwagi.

Pero napapanahon na para pagbigyan ang kahilingan ng dating Pangulo na maglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya. Ang Korte Suprema mismo ang nagpasiya nito nang payagang magpiyansa si Sen. Enrile.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Humanitarian ground ang ginamit nitong dahilan. Walang ganitong itinatakda ang batas, pero isinaalang-alang nito ang edad at kalusugan ni Enrile. Dahil sa matanda na raw ito at masakitin, dapat maging makatao ang gobyerno sa kanya.

Senador naman daw siya at maliit ang opurtunidad na tatakbuhan niya ang kanyang kaso.

Totoo, higit na matanda si Enrile kay dating Pangulong Arroyo. Pero, higit siyang sakitin kesa sa senador. Bagsak na ang kanyang katawan dahil sa komplikasyon ng iniinda niyang karamdaman. Mahina na siya. Hindi gaya ni Enrile na pagkatapos makalabas ay nabistong napakalakas pala niya. Senador si Enrile, pero naging pangulo ng bansa si Arroyo at ngayon ay kasalukuyang kongresista ng Pampanga. Ang humanitarian reason ay higit na angkop pairalin sa dating Pangulo para bigyan na ng piyansa. (RIC VALMONTE)