KAARAWAN ni Pangulong Aquino noong Lunes na wala pa ring girlfriend na posibleng maging ginang sa kanyang pagbaba sa puwesto sa Hunyo 2016. Siya ay 56 anyos na. Nagbibiro ang kaibigan ko sa kapihan na Pebrero rin pala ang buwan ng kapanganakan ng binatang Pangulo katulad nina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile at yumaong Sen. Claro M. Recto.

Dagdag niya: “Si Enrile ay dakilang mangingibig, si Sen. Recto na bukod sa magaling na abugado at makata ay isa ring great lover na kayraming pinintuhong dilag noong kanyang kabataan.” Sabad ni Tata Berto na nakikinig: “Ibig mong sabihin dapat ding maging dakilang mangingibig si PNoy? Di ba’t siya ay dakilang manliligaw nina Shalani Soledad, Liz Uy, Grace Lee at iba pa? ‘Di ba’t nagkakagusto yata siya kay 2015 Miss Universe Pia Wutzbach?”

Sawsaw ni senior-jogger:”Balita ay parang balak ligawan ni PNoy si Ms. Pia. Ang tanong lang ay kung magkakagusto sa kanya si Miss Universe na 27 anyos lang samantalang siya ay 56 na taong gulang na.” Tama si kaibigang senior-jogger dahil kumbaga sa panahon, si PNoy ay wintertime na samantalang si Pia ay summertime pa lang. Malamig na ang una samantalang ang ikalawa ay nasa katanghalian ng buhay, mainit pa. Matumbasan pa kaya ni PNoy ang init ni Pia? Parang si Bossing at Pauleen Luna?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

***

Bumagsak ang temperatura sa Metro Manila noong Linggo sa 19 degrees celsius, pinakamalamig sapul nang magsimula ang northeast monsoon (amihan) noong Oktubre. Ang ganitong lamig ay naitala sa Science Garden, Quezon City bandang 6:00 ng umaga noong Pebrero 8 (Kong Hei Fa Choie). Gusto ito ng mga mag-asawa, lalo na ng bagong kasal.

***

Inihayag ni Sen. Bongbong Marcos na ang pagkadismaya umano ng mga Pinoy sa PNoy administration ay tiyak na magiging repleksiyon ng mga boto sa halalan sa Mayo 9, 2016. Sabi ni Marcos: “It will increase the numbers of the protest vote. Many assert that this government is not helping them, does not think of the welfare of the retirees and those who fought for this.” Sen. Bongbong, ilan ba ang SSS pensioner at ilan ang kanilang mga kaanak na apektado ng pag-veto ni PNoy sa panukala? Aba, maraming boto ito.

***

Nakikidalamhati ako sa pagyao ni OFW Family Club Party-list Rep. Roy Señeres noong Lunes, tatlong araw matapos niyang ihayag ang kanyang pag-urong sa presidential race sanhi ng diabetes. Si Roy ay isang magaling at masipag na ambassador sa United Arab Emirates (UAE). Nakilala si Señeres sa pagtulong kay Sarah Balabagan, isang domestic helper (DH) sa UAE, na nakapatay sa among Arabo dahil sa tangkang panggagahasa sa kanya noong 1994. (BERT DE GUZMAN)