Plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilipat si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa Camp Aguinaldo.

Ayon kay BuCor Chief Ricardo Rainier Cruz, ang container van na ginagamit na detention cell ni Pemberton ay ililipat sa ISAFP compound.

“Hinihintay na lamang namin ang pagdating ng mga taga-US bago ilipat ang container sa loob ng ISAFP. They (Americans) said they’re going to shoulder the cost but we’re waiting for their arrival,” ani Cruz.

Aniya, ang paglipat ay isasagawa kapag dumating na ang engineering unit mula sa Amerika habang nakikipag-ugnayan na ang mga kinatawan ng Amerika sa ISAFP kaugnay ng paglilipat sa convicted soldier.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Nakiusap pa sila sa ISAFP para buksan ‘yung bakod, ‘yung pader para makapasok ‘yung van. Bubutasin ‘yung pader nila (ISAFP),” dagdag pa ni Cruz.

Ang nasabing container van, na mahigpit na binabantayan ng pinagsanib na puwersa ng Philippine at US forces, ay kasalukuyang nasa compound ng Philippine-US Mutual Defense Board-Security Engagement Board, na nasa loob din ng Camp Aguinaldo.

Unang iniutos ng Olongapo City court noong Disyembre na ikulong si Pemberton sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City matapos mapatunayang guilty sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre 2014. (Beth Camia)