Celtics, nakalusot sa Cavs mula sa kabayanihan ni Avery Bradley.

CLEVELAND (AP) — Naisalpak ni Avery Bradley ang krusyal na tira sa krusyal na sandali para sandigan ang Boston Celtics sa makapigil-hiningang 104-103 panalo kontra sa Eastern Conference leader Cleveland Cavaliers nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Napaluhod at napasuntok sa hangin ang mga players ng Celtics nang makitang bumuslo ang tira ni Bradley sa tamang-tamang oras, sapat para madismaya ang home crowd at makamit ng Boston ang ikawalong panalo sa siyam na laro.

Naghahabol ang Boston sa limang puntos sa huling 18 segundo nang maisalpak ni Celtics forward Jae Crowder ang 3-pointer — ang tangi niyang opensa – kasunod ang free throw ni Evan Turner mula sa foul ni J.R. Smith may apat na segundo ang nalalabi.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagmintis sa huling bonus free throw si Turner, ngunit natapik ni LeBron James ang bola palabas ng court para sa makuha ng Boston ang pagkakataon sa huling opensa. Kaagad na gumawa nang inbound play si Celtics coach Brad Steven at si Bradley ang nakatanggap ng bola at gumawa ng himala.

Nanguna si James sa Cavs sa naiskor 30 puntos.

NUGGETS 115, BULLS 110

Sa Denver, sinamantala ng Nuggets ang pagkawala ni All-Star forward Jimmy Butler na nagtamo ng “sprained”sa kaliwang tuhod sa second period para makumpleto ang pagbangon at itarak ang ikasiyam na sunod na panalo laban sa Bulls sa home game.

Nanguna si Danilo Gallinari sa ratsada ng Denver sa naiskor na 33 puntos, habang tumipa si Emmanuel Mudiay ng 22 puntos at may nailista si Will Barton na 18 puntos.

Nagtamo ng injury si Butler matapos ma-foul ni Joffrey Lauvergne may 1:06 ang nalalabi sa second period. Nagawa pa niyang tumira ng free throw bago inihatid sa locker room para masuri.

Nanguna sa Bulls si Derrick Rose na kumubra ng 30 puntos, habang tumapos si Butler na may 19 na puntos at humugot si Taj Gibson ng kabuuang 18 puntos.

HAWKS 102, PACERS 96

Sa Atlanta, ginapi ng Hawks, sa pangunguna ni Paul Millsap na kumana ng 24 puntos, ang Indiana Pacers.

Hataw din si Al Horford sa naiskor na 21 puntos.

Nanguna si Paul George sa naiskor na 31 puntos para sa Indiana, nabigo sa ika-17 pagkakataon sa huling 19 regular-season kontra sa Atlanta.

CLIPPERS 107, MAGIC 93

Sa Orlando, Florida, kumubra si Chris Paul ng 21 puntos at 6 na assist, habang umiskor si DeAndre Jordan ng 12 puntos at 18 rebounds sa panalo ng Los Angeles Clippers kontra Magic.

Nag-ambag sina J.J. Redick at Jamal Crawford na may tig-20 puntos sa Clippers.

Ratsada naman si Victor Oladipo sa Magic sa nakubrang 18 puntos, habang kumana si Evan Fournier ng 16 na puntos mula sa bench. Nagtumpok si Tobias Harris ng 13 puntos at 8 rebound bago ipinahinga sa fourth period bunsod ng injury.

WIZARDS 106, SIXERS 94

Sa Washington, naitala ni John Wall ang ikaapat na career triple-double sa naiskor na 18 puntos, career-high 13 rebound at 10 assist, sa panalo ng Wizards kontra Philadelphia 76ers.

Nag-ambag si Marcin Gortat sa naiskor na 21 puntos at 13 rebound sa Wizards, habang kumana si Bradley Beal ng 22 puntos.