HUWAG palampasin ang kuwento ng katatagan at inspirasyon ng isang babae na pinili ang tawag na maging ina sa mas nakararami sa katauhan ni Rep. Leni Robredo ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Bata pa lang si Leni (Dimples Romana) ay tinuruan na siya ng mga magulang na maging masipag, tumayo sa sariling mga paa, at maging bukas-palad sa lahat ng mga nangangailangan. Dala niya ang mga pagpapahalagang ito hanggang sa siya ay bumuo ng sariling pamilya kasama ang yumaong Department of Interior and Local Government secretary at Naga City Mayor Jesse Robredo.
Hangga’t maaari ay nais ilayo ni Leni ang tatlong anak sa gulo ng pulitika hanggang sa nangyari ang aksidenteng ikinasawi ng kanyang asawa. Mula sa pagiging ordinaryong abogado at maybahay ay maiiba ang landas na tatahakin niya sa ngalan ng paglilingkod sa bayan.
Makakasama ni Dimples sa upcoming episode ng MMK sina Marvin Agustin, Belle Mariano, Sofia Andres, Casey Da Silva, Inah Estrada, Yesha Camile, Mutya Orquia, Jong Cuenco, Ruben Gonzaga, Lowell Conales, Roden Araneta, Jed Montero, Jason Fernandez, Gerard Acao, Joe Gruta, at Gigi Locsin. Ang episode ay mula sa panulat ni Mary Rose Colindres at sa direksiyon ni Raz dela Torre. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos.