BITAY? Maraming klase ang pagbitay na ipinapataw bilang kaparusahan sa isang taong nakagawa ng karumal-dumal na pagkakasala. May pinupugutan ng ulo, may pinauupo sa silya-elektrika, at may tinuturukan ng lethal injection.
Sa ibang bansa ay legal ang pagbitay. Hindi ba’t marami na sa ating mga kababayan na nagtrabaho sa ibang bansa ang binitay at iniuwing “nakakahon”?
Malupit ang parusang bitay. Sabi nga ng mga madasalin at nagkukunwaring maawaing lider, ang parusang ito ay masyadong mabigat at hindi nararapat sa ‘Pinas. Dati ay may parusang bitay sa ating bansa. Sangkatutak ang nahatulan ng bitay. Pero patuloy pa rin ang malalagim na pangyayari at laganap pa rin ang krimen, kaya ang katwiran ng mga “nagbabait-baitang” tutol sa parusang ito ay hindi ito ang susi para masugpo ang kasamaan at karahasan sa bansa.
Pero sa mga nangyayari ngayon sa ating bansa, sa palagay ba ninyo ay hindi pa dapat ibalik ang bitay?
Sa paglaganap ng ipinagbabawal na gamot o droga, kaliwa’t kanan ang krimen. Ama na pinatay ang asawa’t mga anak, anak na pinatay ang mga magulang, mga kabataang babae na ginahasa at piñata, at marami pang iba.
Sa paglalakad mo tuwing gabi ay hindi mo natitiyak kung may makakasalubong kang bangag na maaaring pumalakol, bumaril, sumaksak, pumalo o tumaga sa leeg mo. Ngayon, sa mga oras na peligroso ay hindi mo matitiyak na makakauwi ka pa nang buhay.
Nagkalat na sa paligid ang mga laboratoryong gumagawa ng shabu, sangkatutak ang mga pusher, at ang mga bangag na ang bawat mapagtripan ay halos katayin.
Hindi kaya panahon na para ibalik na muli sa bansa ang parusang bitay? Hindi epektibo ang parusang bitay noon sapagkat sa dami ng nahahatulan ng bitay ay “walang binibitay”. Paanong matatakot ang mga kriminal kung nahatulan man ng bitay ay hindi naman bibitayin?
Epektibo ang bitay sa pagsugpo sa malalagim na krimen kung ang bawat kriminal na mahahatulan nito ay bibitayin AGAD.
(Rod Salandanan)