Falcons, namanhid sa Bulldogs sa UAAP Volleyball.

Nalimitahan ng National Univeristy Bulldogs sa pitong puntos ang Adamson University Falcons sa ikatlong set para makumpleto ang dominasyon, 25-22, 25-22, 25-7, kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 men’s volleyball championship sa Philsports Arena sa Pasig City.

Matapos makipagdikdikan sa unang dalawang sets, mistulang inabot nang matatalim na pangil ng Bulldogs ang bagwis ng Falcons para makamit ang unang panalo sa loob ng isang oras at isang minuto.

Hindi pinaporma ng Bulldogs ang Falcons sa ibabaw ng net matapos nilang magtala ng siyam na blocks kontra sa isa lamang ng huli, gayundin sinamantala ng Bulldogs ang masamang reception ng Falcons para sa anim na service ace.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagtala ng tig-11 puntos sina James Martin Natividad at Bryan Baguinas habang nagdagdag ng 10 puntos si Francis Philip Saura para sa Bulldogs.

Naging malaking bentahe rin sa NU ang tamang timpla sa laro ng mga rookie kay veteran setter Vincent Mangulabnan para maitala ang perpektong 22 setting kumpara sa kanyang karibal na si Karlie Nico Ramirez na mayroong 15.

Wala ni isa man lamang sa Falcons ang nakaiskor nang double figure.

Nanguna sa kanila ni Bryan Saraza na tumipa ng siyam na puntos kasunod si Dave Pletado na mayroong anim na puntos.

(MARIVIC AWITAN)