VIRAL ngayon sa social media ang mga sasakyan na mahilig mag-counterflow o ang pagmamaneho nang pasalubong sa trapiko.

At dahil patindi nang patindi na ang traffic sa Metro Manila, dumarami ang pasaway na motorista na nagka-counterflow, kaya naman sa halip na mahinahon at kalmado ang mga disiplinadong driver ay ito ang pinagmumulan ng init ng ulo.

Maging ang mga traffic aide o pulis ay mistulang inutil na sa paghuli sa mga sumasalubong na sasakyan.

Manhid na ba kayo o talagang hindi n’yo lang kaya na magpatupad ng batas?

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Eh, ano pa ang ginagawa n’yo d’yan?

And’yan ang kotse, bus, motorsiklo. Alam n’yo ba na maging ang mga tao ay nagka-counterflow na rin?

Minsan na mapadpad si Boy Commute sa EDSA, sa pagitan ng Taft Avenue at Roxas Blvd. sa Pasay City, nakita niya ang maraming pasahero na “nagka-counterflow” at walang magawa ang awtoridad.

Mula sa mga bus at jeepney stop sa panulukan ng Taft-EDSA, nagtitiyagang maglakad ang mga ito pasalubong sa mga sasakyan habang naghahananp ng masasakyan.

Sa halip na maghintay sa kanilang kinatatayuan, dahan-dahan silang naglalakad pasalubong sa trapiko sa paghahanap ng masasakyang jeepney, bus, o taxi.

Karamihan sa mga pasaherong ito ay bumaba sa LRT o MRT station, kaya tuwing rush hour, walang madatnan na sasakyan sa EDSA.

Marahil ay dahil sa gutom o hilo, ilan sa kanila ay napapadpad na sa gitna ng EDSA habang tinititigan ang sign board ng mga paparating na jeep, umaasang mayroon pang bakanteng upuan.

Ang ilan sa kanila ay sumasabit na lang sa jeep, lalo na ang mga estudyante, kahit alam na ipinagbabawal ito. Parang mga paniki.

Kanya-kanyang diskarte, kanya-kanyang tutok sa mga dumaraang PUV.

Ilan din sa mga ito ay may bitbit pang malaking bulto ng kalakal na nanggaling sa Baclaran. Halos pagulungin na lang ang mga naipamili, pagod na pagod, kaawa-awa ang mga itsura.

Bagamat mahirap sisihin, mahirap talagang awatin ang mga pasahero na desperado nang makakuha ng masasakyan kaya halos gumitna na sa kalsada.

Habang nakikipagpatintero sa gitna ng EDSA, nasaksihan ni Boy Commute habang pinipinahan ang mga ito ng mga sira ulong motorista na parang naglalaro lamang ng video game.

Ano kayang maaaring gawin upang makumbinsi ang mga pasaherong ito na pumirme sa mga bus at jeepney stop?

Paano sila makukumbinsi ng awtoridad na pairalin ang disiplina at pumila na lang habang naghihintay ng masasakyan?

Sa usapin ng disiplina, may pag-asa pa ba ang mga Pinoy?

Ano’ng tingin mo, Boy Commute? (ARIS R. ILAGAN)