Naniningil pa rin umano ang Land Transportation Office (LTO) para sa car sticker sa pagpaparehistro ng mga sasakyan ngayong 2016.
Ito ay sa kabila na wala namang naibibigay na car sticker ang LTO sa mga nagpaparehistrong car owner mula pa noong 2014.
Bunga nito, maraming nagpaparehistro sa LTO-Diliman ang nagrereklamo sa patuloy na paniningil ng LTO ng P50 para sa car sticker, kahit na matindi pa rin ang kakulangan sa mga ito.
Nabatid na pumalag din ang mga car owner sa binayaran nilang P450 para sa plaka ng sasakyan noong 2014, na hindi pa rin ibinibigay ng LTO hanggang ngayon.
Una nang iniulat ng LTO plate section na wala silang maibibigay na plaka ng sasakyan at hindi pa napupunan ang backlog sa car plates simula mula pa noong 2014.
Matatandaan na itinigil ang paggawa at pagsu-supply ng vehicle license plate ng Power Plates Development Concepts na kinontrata ng LTO dahil hindi na umano ito nababayaran ng gobyerno.
Napag-alaman na hindi umano binayaran ng LTO ang naturang kumpanya nang ipatigil ng Commission on Audit (CoA) ang pagpapagawa ng bagong plaka sa ilalim ng Plate Standardization Program ng ahensiya at ng Department of Transportation and Communication (DoTC) dahil sa pagkakaungkat ng umano’y anomalya sa naturang proyekto. (Jun Fabon)