Nagpahayag ng magkakaibang pananaw ang mga kongresista hinggil sa isyu ng pag-aamyenda sa gun ban policy ng Commission on Elections (Comelec) na nagkakaloob ng exemption sa mga re-elected senator at congressman na magbibitbit ng baril ngayong panahon ng eleksiyon.
Sinabi ni Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. na wala siyang nakikitang problema sa Comelec Resolution No. 10047 na nag-amyenda sa dating Resolution No. 10015 na nakasaad na tanging ang mga mambabatas na hindi kandidato ang maaaring magbitbit ng baril sa election period.
“Minimal effect as most legislators do not carry guns personally. It’s their security people if any who do,” ani Belmonte.
Iginiit ni Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe ang pananaw ni Belmonte dahil, aniya, kailangan ding proteksiyunan ng mga mambabatas ang kanilang sarili sa panahon ng eleksiyon.
Subalit inihirit ni Citizens Battle Against Corruption Party-list Rep. Sherwin Tugna na bigo ang poll body na bigyan ng konsiderasyon ang prinsipyo ng “equal protection of the law” nang ilabas nito ang Resolution 10047.
“I believe that this resolution will be questioned based on violation of the equal protection of the law clause. Other politicians will question this based on the basis of distinction made by Comelec,” aniya.
Una nang hiniling sa Comelec ng mga lokal na opisyal na miyembro ng League of Cities of the Philippines na pagkalooban sila ng exemption sa gun ban dahil sa mga panganib na kanilang kinahaharap tuwing may halalan. - Charissa M. Luci