Mga laro ngayon - San Juan Arena

2 p.m. - Phoenix vs AMA

4 p.m.- Caida vs Wangs

Pupuntiryahin ng Caida Tiles ang solong liderato sa pagpapatuloy ngayong hapon ng 2016 PBA D-League Aspirants Cup sa San Juan Arena.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Sasagupain ng Caida ang Wangs Basketball sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng Phoenix Petroleum at AMA University ganap na 2:00 ng hapon.

Ang Tile Masters ang isa sa pinaka-impresibong koponan sa panimula ng torneo makaraang makapagtala ng 15 kalamangan sa unang dalawa nilang tagumpay.

Pinakahuli ang 103-84 na panalo nila laban sa AMA.

Katunayan, nagagawang magamit ni Coach Caloy Garcia ang lalim na taglay ng kanyang koponan habang nakukuha niyang mapalabas ang tunay na laro ng kanyang mga baguhan partikular ang first overall pick sa draft na si Jason Perkins at mga NCAA stars na sina Jonathan Grey at Rey Nambatac.

Ngunit sa kabila nito, iginiit ni Garcia na marami pang kailangang matutunan ang kanyang koponan lalo na sa mga adjustments na kailangan nilang gawin kada laban.

“Again, it’s a good thing that we won two games but there’s still a long way to go,” ayon kay Garcia. “Teams are adjusting and we have to find ways to keep improving.”

Kailangan aniya nilang magpakita ng mas mataas na lebel ng laro sa pagsagupa nila sa Wangs ngayong hapon dahil sa taglay nilang momentum.

Manggagaling ang Couriers sa pagtala ng 97-88 panalo laban sa Mindanao Aguilas kung saan sila bumalikwas mula sa 18 puntos na pagkakaiwan para makamit ang naturang tagumpay.

Sinandigan ni Coach Pablo Lucas si Ateneo forward Gwynne Capacio na siyang nagdeliver ng mahahalagang puntos sa nasabing panalo.

Isinalansan ni Capacio ang 9 sa kanyang kabuuang 23 puntos sa overtime period para pamunuan ang Couriers sa una nilang panalo ngayong season.

“Malaking lesson sa amin yung nangyari nung last game kaya sumusunod ang mga players. Yung intensity nila at rotation sa depensa, nagagawa nila,” ayon kay Lucas.

Samantala sa unang laban, ikalawang panalo naman ang hangad ng Phoenix Petroleum na pinangungunahan ng UAAP champion FEU Tamaraws sa pagsalang nila kontra winless pa ring AMA University.