Pinupuntirya ni lightweight Anthony “Zorro” Sabalde ng Cebu ang tagumpay sa bisa ng knockout kontra sa makakatunggaling si John Vincent “Mulawin” Moralde ng Davao City sa kanilang championship fight para sa bakanteng World Boxing Federation (WBF) International featherweight title.

“Sa tingin ko, hindi aabot sa buong 10 rounds ang laban namin,” sabi ni Sabalde sa PhilBoxing.com. “Pero kung magkakaroon ng chance na pabagsakin ko si Moralde, patutulugin ko talaga siya.”

Para sa 23-anyos na si Sabalde, may record na 10 panalo kontra 4 na talo kasama ang 5 knockout, sapat na ang mahigit 90 rounds na sparring sessions niya kina Adones Aguelo at Neil John Tabanao sa gym ng kanilang trainer na si Brix Flores sa Cebu.

“Hindi ako natatakot sa kanya kahit na nakapatay pa siya ng kalaban niya noon,” ani Sabalde na ang karera ay nasa pangangalaga ni Wakee Salud.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nahablot ni Moralde (14-0, 7 knockouts) ang bakanteng WBC Asian Boxing Council Continental featherweight title via unanimous decision sa dati ring undefeated Australian na si Brayd Smith noong Marso 14, 2015. Makalipas ang dalawang araw, namatay si Smith sanhi ng brain injury.

Naunang ipinahayag ng 21 anyos na si Moralde na target din niya ang knockout win laban sa kaliweteng si Sabalde.

“If given a chance, I will knockout him out,” sabi ni Moralde na lumalaban naman para sa Sanman Promotions sa General Santos City.

Magaganap ang “The Brawl at the Mall: Glory” sa Pebrero 13 sa Gaisano Mall Atrium sa General Santos City, South Cotabato. (Gilbert Espeña)