Isang Pinay, na permanent resident ng Japan, ang naghimutok sa social media kung paano siya biniktima ng diumano’y bagong scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa Facebook, sinabi ni Angie Nogot na noong Enero 24, 2016 ay binura ang kanyang apelyidong Japanese gamit ang correction fluid sa kanyang alien registration card at dahil dito ay inobliga siyang magpresinta ng marriage contract.

“Kinuha nila ang passport at alien card ko, sabi bakit wala raw ang Japanese na apilyedo ko. Sabi ko ‘meron ha!’

‘Pag abot sa akin, nagulat ako, wala nga. Tinitigan ko nang maigi kung bakit nawala, ‘yun pala tinakpan nila ng liquid paper para di ko makita,” post niya.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nangyari ito matapos siyang pagbayarin ng P200 bilang travel tax para sa sarili at P1,600 para sa kanyang anak sa NAIA Terminal 1.

Ang mga Filipino citizen na permanent resident sa ibang bansa na nanatili sa Pilipinas nang wala pang isang taon ay exempted sa pagbabayad ng travel tax sa ilalim ng Section 2 ng Executive Order No. 283.

Gayunman, nilinaw ni Manila International Airport Authority (MIAA) Spokesperson Dave de Castro, na ang P200 ay processing fee para sa travel tax exemption at mayroong mga dokumento na kailangang ipresinta depende sa status ng indibidwal.

Sinabi ni De Castro sa Manila Bulletin Online na nakipagtulungan na sila sa travel tax counters ng Department of Tourism o sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para sa imbestigasyon.

“MIAA has sent a response to the passenger involved and we are waiting for a reply,” sabi ni De Castro.

Umapela si De Castro na huwag munang ipalagay na scam ang insidenteng ito. (Tessa Distor)