Xylo Banner copy

BUKOD sa mga produktong gawa ng China, dumagsa na rin sa Pilipinas ang mga produktong galing India.

Marahil matunog na rin sa inyo ang automotive brand na Mahindra. Sa ilalim ng Asian Brands Motor Corporation, naalog ang industriya ng sasakyan sa bansa nang bumaha ng Mahindra Enforcer jeepney sa iba’t ibang panig ng bansa, matapos masungkit ng naturang kumpanya ang supply contract para sa 1,500 patrol vehicle para sa Philippine National Police (PNP).

Unang nadawit sa kontrobersiya kaugnay ng kalidad ng produkto, wagi pa rin ang Mahindra na makuha ng malaking kontrata na umabot sa P1 bilyon. Subalit nanaig ang tibay, murang presyo, at pagkakaroon ng spare parts, kaya tuloy ang pagpapatupad ng kontrata ng Enforcer para sa PNP.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Dahil dito, nagsimula na ang pamamayagpag ng Mahindra.

Target ngayon ni Mahindra President Felix Mabilog na mapasok din ng kanilang mga bagong modelo ng sasakyan ang lokal na merkado.

Tinaguriang “The Philippine Invasion”, inilunsad na rin ng ABMC ang Xylo, isang Asian Utility Vehicle (AUV), na pinaniniwalaang magiging patok na pangnegosyo.

Pangtapat sa Toyota Innova, Isuzu Crosswind at Mitsubishi Adventure, maaaring idisenyo ang Xylo para sa iba’t ibang gamit-negosyo dahil madaling isaayos ang three row seat nito. Maaaring iurong o itiklop, ang third at second row seat na magbibigay-daan sa karagdagang cargo space ng Xylo.

Kumportable ring imaneho ang Xylo dahil ito ay mayroong bucket seat na masarap upuan at pangontra sa pananakit ng likod na bunsod ng mahabang oras ng pagmamaneho.

Matibay din ang pang-ilalim ng Xylo na binubuo ng independent coil spring with anti-roll bar sa harapan at multi-link coil springs sa likuran.

Kung tulin ang pag-uusapan, handa ring pumalag ang Xylo dahil ito ay kargado ng 2.2-liter, 4-stroke, 4-cylinder CRDi engine na may turbo intercooler na kayang lumikha ng 120 horsepower at torque rating na 208Nm.

At dahil pangnegosyo, ito ay matibay at may five-speed manual transmission na malakas sa akyatan at arangkada.

Ayon kay Mabilog, ang presyo ng Mahindra Xylo ay P850,000.