SA hindi humuhupang pag-igting ng mga pagtuligsa sa pagbasura ni Presidente Aquino sa dagdag na P2,000 sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS), lalong nalantad ang pagiging manhid, walang habag at malasakit ng administrasyon sa kapakanan ng mga senior citizen, na ang karamihan ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay. Lalong naging kahabag-habag ang naturang grupo ng nakatatandang mamamayan na ang ilan, huwag naman sanang mangyari, ay maaaring tawagin na ng Panginoon, wika nga.

Isipin na lamang na nang walang kagatul-gatol na pagtibayin ng mga Kongresista at Senador ang naturang SSS pension bill, nagdiwang na ang mga senior citizen—ang grupo ng mamamayan na minsan din namang naging bahagi ng makabuluhang pamamahala at pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa. Ang naturang dagdag na halaga sa kanilang pensiyon ay makatutulong na nang malaki sa pagbili ng kanilang mga maintenance medicine.

Sa kasamaang-palad, nanatili silang nakatunganga sa kawalan dahil sa kapangyarihan ng veto power ng Pangulo. Hindi madaling pawiin ang sukdulan ng panggagalaiti ng sambayanan.

Pati ang mga mambabatas ay mistulang napatunganga sapagkat maliwanag na nawalan ng halaga ang kanilang sama-samang pagsisikap na masaklolohan ang SSS retirees. Ang pag-veto kaya ng Pangulo sa nasabing panukalang-batas ay hindi isang malaking insulto sa kanilang pagiging mga mambabatas at sa kanilang katalinuhan?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maaaring may lohika ang pagmamatuwid ng Pangulo. Nais niyang damayan ang SSS retirees subalit ‘tila higit niyang ninanais na pahabain ang buhay ng SSS funds upang mas makinabang ang mahigit 30 milyong SSS members kaysa mahigit na dalawang milyong SSS retirees.

Subalit maitatanong: Bakit hindi umisip ang pamunuan ng SSS ng mga paraan upang madagdagan at mapanatiling matatag ang SSS funds sa loob ng panunungkulan ng Presidente? Maraming estabilisimiyento ang delingkuwente sa pagbabayad ng SSS premium para sa kanilang mga kawani. ‘Tila wala silang inatupag kundi maglaan ng milyun-milyong pondo para sa kanilang bonus.

Ang ganitong mga estratehiya, pati ang veto power ng Pangulo, ay hindi kaya maituturing na pampaikli sa buhay ng SSS retirees? (CELO LAGMAY)