GENERAL SANTOS CITY - Kulungan ang kinahinatnan ng isang dating tauhan ng Philippine Army at apat na kasamahan nito, sa entrapment operation ng pulisya sa Koronadal City, South Cotabato.
Kinilala ni Koronadal City Police chief, Supt. Barney Condes ang suspek na si dating Army Corporal Cosio Bentoy, dating nakatalaga sa Army Special Forces na nakabase sa Zamboanga City.
Napag-alaman ng pulisya na sinibak sa serbisyo si Bentoy matapos ideklarang absent without official leave (AWOL) ng kanyang mga superior noong 2015.
Kabilang si Bentoy sa mga nakipagbakbakan sa mga armadong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sumalakay sa Zamboanga City noong Setyembre 2013.
Nakumpiska kay Bento yang P100,000 halaga ng shabu at marked money, gayundin sa mga umano’y kakutsaba niya na sina Myra Quibete, 37; Glenda Mae Baliton, 22; Jonabelle Awid, 20; at Jade Paul Salvatierra, 34 anyos. (Joseph Jubelag)