Hindi pa man ganap na nakakabawi sa kanilang pagkatalo sa San Miguel Beermen (105-109), isang dagok na naman ang haharapin nina Rain or Shine coach Yeng Guiao at bigman Beau Belga matapos silang mapatawan ng tig-P20,000 multa ng PBA Commissioner’s Office, ayon sa ulat na lumabas sa isang sports website.

Pinatawan ng multa si Guiao makaraang banggain si San Miguel guard Chris Ross sa ikatlong yugto ng unang laban sa semifinals sa pagitan ng Elasto Painters at Beermen noong Martes ng gabi, ayon sa ulat na lumabas sa spin.ph.

Matatandaang naghahanda si Ross sa pag-inbound ng bola sa tapat ng Rain or Shine bench ng bigla na lamang siyang banggain ni Guiao. Pwersahan namang itinulak ni Belga si Ross ng tangkain nitong kumprontahin ang kanilang coach.

Binigyan ng technical foul sina Guiao, Ross at Belga dahil sa nangyaring insidente.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa isang sulat, sinabi ni PBA commissioner Chito Narvasa na isang ‘unsportsmanlike’ na pag-uugali ang ginawa ni Guiao.

“The act of physically contacting an opponent is considered under the rules as grave unsportsmanlike gesture that should have merited an ejection,” ayon sa sulat.

Pinagmumulta rin ng tig-P1,600 sina Jericho Cruz at Raymond Almazan ng ROS, at Yancy de Ocampo ng Beermen para sa mga technical fouls na kanilang nakuha buhat sa magkakaibang dahilan.

Muling maghaharap ang dalawa mamayang gabi kung saan nakauna na ang Beermen sa kanilang best-of-seven semis showdown.

(MARTIN A. SADONGDONG)