PAALAM, 2015! Bahagi ka na lang ng nakalipas. At ang mga pangyayari sa iyong panahon, na may masaya, malungkot, mapait, madula, malagim, makapanindig-balahibo, nakalulugod, at nakayayamot, ay bahagi na rin ng mga alaala ng nakaraan at ng kasaysayan.
Maluwalhating pagdating, 2016! Ang pagsapit ng Bagong Taon ay isang bagong pag-asa at pagkakataon para sa lahat na nais magbagong-buhay, magsikap, maging masipag upang umunlad at makamtan ang kasaganaan. Ayon nga sa lyrics ng isang awiting Pamasko, “Maging maayos ang takbo ng buhay.”
Ngunit sa mga batugan, at walang sikhay o pagsisikap, ang bunga ng katamaran na paghihikahos at pagdaralita ay magpapatuloy. Magpapanatili sa pagiging mga anak ng dalita na hindi lamang tigib ng luha kundi ng patuloy na kumakalam na sikmura. Ang iba’y patuloy sa pagiging palaboy at kalabit-penge o nagpapalimos sa matataong lugar. Sa pagbabago ng taon, maraming nagsasabi na hindi totoong ang panahon ang lumilipas, kundi ang mga tao ang tumatanda.
Kung naglilingkod sa pamahalaan ay natatapos ang panunungkulan. Kung nasa pribadong sektor, nagreretiro.
Maraming mahalagang pangyayari sa iniibig nating Pilipinas noong 2015 na mahirap nang malimutan at naging bahagi na ng ating kasaysayan. Mababanggit ang pastoral visit ni Pope Francis noong Enero 15-19. Pangunahing layunin ng pagdalaw ni Pope Francis ang makiramay sa mga nasalanta ng ‘Yolanda’ sa Tacloban City. May temang “Mercy and Compassion”, si Pope Francis ang ikaapat na papa na bumisita sa iniibig nating Pilipinas.
Ang nakalulungkot at mahirap malimutan ng mga Pilipino ay ang trahedya noong Enero 25. Habang nasa kasagsagan ng pagtalakay ang Kongreso at Senado sa Bangsamoro Basic Law (BBL), nagkaroon ng matinding sagupaan ang Special Action Force (SAF) ng PNP at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao. Sa “Oplan Exodus” upng dakpin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman, 44 na miyembro ng PNP-SAF ang napatay, 18 sa MILF at BIFF.
Marami ang nadismaya kay Pangulong PNoy nang magsalita siya, sapagkat iwas-pusoy siya sa pangyayari at parang sinisi pa ang SAF sa kawalan ng koordinasyon At lalong nanggigil sa galit ang marami nang pinili ng Pangulo na dumalo sa pasinaya ng isang gawaan ng sasakyan sa Laguna kaysa salubungin ang bangkay ng 44 na SAF commando sa Villamor Airbase. Nabunyag sa imbestigasyon na nakialam sa operasyon ang suspendidong PNP chief na kaibigan at paborito ng Pangulo, kaya naman marami ang natuwa nang tuluyang sibakin sa tungkulin ng Ombudsman ang hindi kapuri-puring heneral. (CLEMEN BAUTISTA)