Dahil sa kabiguan ng Barangay Ginebra San Miguel na makapasok ng semifinal round sa ginaganap na 2016 PBA Philippine Cup, tuluyan na ring nawalan ng tsansa ang kanilang sentrong si Greg Slaughter na maituloy ang laban nila ng kapwa Cebuano slotman na si Junemar Fjardo ng San Miguel Beer para sa Best Player of the Conference award.
Matapos ang elimination round, nangunguna si Fajardo sa statistical points at may pinakamalaking tsansa na makapagtala ng rekord na ikatlong BPC award para sa All-Filipino conference.
Sa kasalukuyan ay magkasalo sila ni dating San Miguel star Nelson Asaytono na may pinakamaraming BPC award sa Philippine Cup na tig-dalawa.
Dahil sa pagkawala ni Slaughter sa eksena, si Globalport guard Stanley Pringle ang pinakamalapit niyang katunggali para sa parangal.
Ngunit kung madidispatsa ng Alaska ang Batang Pier sa kanilang best of 7 semifinals showdown, nakatitiyak na si Fajardo ng kanyang ikatlong BPC trophy.
Sakali namang matiyempuhan ng Rain or Shine ang Beermen at masilat ng Globalport ang Alaska Aces, magkakaroon ng tsansa si Pringle para makamit ang kanyang unang BPC award.
Bukod kay Slaughter, ang iba pang mga nasa top 10 na pawang wala na sa kontensiyon ay sina Sean Anthony at Asi Taulava ng NLEX, Willy Wilson ng Barako Bull at Jason Castro ng Talk ‘N Text. - Marivic Awitan