MEXICO CITY (AP) – Binaril at napatay nitong Sabado ang alkalde ng isang siyudad sa timog ng kabisera ng Mexico, wala pang 24 oras ang nakalipas matapos siyang manumpa sa tungkulin.
Pinagbabaril ng mga armadong lalaki si Mayor Gisela Mota sa kanyang bahay sa lungsod ng Temixco, ayon sa lokal na pamahalaan ng estado ng Morelos.
Napatay ang dalawa sa mga sinasabing suspek habang tatlo naman ang naaresto, ayon kay Morelos Security Commissioner Jesus Alberto Capella.
Sa Twitter, sinabi ni Morelos Gov. Graco Ramirez na may kinalaman sa organized crime ang pagpatay kay Mota.