Ni MARIVIC AWITAN

Nagawang kumpletuhin ng San Beda College ang una nilang championship double makaraang angkinin kapwa ang seniors and juniors divisions crowns sa ginanap na NCAA Season 91 lawn tennis tournament sa Rizal Memorial Tennis Center.

Kasabay nito, winakasan din ng Red Netters ang 15-year title drought matapos mangibabaw sa seniors division, habang inangkin naman ng kanilang junior counterparts ang titulo sa ikatlong sunod na taon.

Nakopo ng mga manlalaro ni coach Jovy Mamawal ang kanilang ika-15 pangkalahatang seniors crown, dalawang titulo ang kulang para mapantayan ang most winningest school Mapua na may 17 kasabay ang pagtapos sa dalawang taong paghahari ng Letran.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pinangunahan ni Vince Carlo Ramiscal ang San Beda na siyang tinanghal na seniors MVP kabalikat ang mga kakamping sina Erick Fernandez, Whismark Basanal at Andre Tuason.

Napanatili rin ng San Beda ang juniors division crown at nakamit ang kanilang 16th overall title sa pangunguna ni Noel Mariano Damian Jr., na siyang nahirang na juniors MVP katuwang sina Fourth Bagaforo, Dawson Jean Ormoc, Aidyll Ignacio,Red Directo at Karl Philip Miguel.

Ang twin victory ang unang championship double ng San Beda sa sport mula noong 1990-91.

Samantala, nangibabaw naman ang College of Saint Benilde sa women’s lawn tennis, na nilaro sa unang pagkakataon bilang demonstration event.