IPINAGDIRIWANG ngayon ng mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo ang Kadakilaan ng Pagsilang ng ating Panginoong Hesus—ang Araw ng Pasko. Iprinoklama ng ebanghelistang si Juan sa kanyang aklat kung sino ang “Word” na naging tao at nakasama natin. Ang nag-iisang Anak ng Diyos ay naging tao—gaya natin upang mabigyan tayo ng pagkakataon sa banal na pamumuhay na habambuhay na sa Kanya sa Pinagpalang Trinidad.
Sa pamamagitan ng pagdating niya sa mundo bilang tao, nagbigay-daan si Hesus para makiisa tayo sa Kanyang kaluwalhatian. Ano pa nga ba ang mas mahalagang handog na matatanggap natin ngayong Pasko kaysa rito?
Sa apat na linggo ng Adbiyento, nakiisa tayo sa sabik na paghihintay ng mamamayan ng Israel sa pagdating ni Hesukristo. Dumating na siya at namuhay na kasama natin. Pinili niyang unang ipakilala ang sarili sa mga tinalikuran na ng lipunan. Ninais niyang makabilang sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pamilya. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay napatunayan sa pagsilang ni Hesus na gaya natin at namuhay nang kasama natin sa awa ng Diyos. Malinaw na ipinahahayag ng liturhiya ngayong araw ang tunay na misteryo ng Pasko: “For by the mystery of the Word made flesh, the light of your glory has shone anew upon the eyes of our mind; so that while we acknowledge Him a God seen by men, we may be drawn by Him to the love of things unseen.”
Pinaaalalahanan tayo sa misteryong ito sa bawat sandali na pagmamasdan natin ang Belen. Ang tradisyon ng pagkakabit ng Belen ay pinasikat ni Saint Francis of Assisi sa Greccio, Italy, noong 1225. Isa itong kongkreto at malinaw na paraan ng pagpapaalala sa mga Kristiyano kung paanong ninais ng Diyos na makisalamuhang kasama natin sa paraang hindi inaasahan at buong pagpapakumbaba. Isa itong paraan upang ipaalala sa ating mga Kristiyano at sa buong sangkatauhan ang awa at pagmamahal ng Diyos Ama sa atin.
Habang ipinagdiriwang natin ang Jubilee of Mercy, hayaan nating baguhin ang ating mga sarili ng awa at pagmamahal ng Ama. Sa pamamagitan ni Hesus, na isinilang sa Bethlehem, ipinakita sa atin ng Diyos na tunay siyang nagmamahal at nangangalaga sa atin. Si Hesus ang simbolo ng awa ng Diyos. Nawa’y tayo rin, na sasalubong sa kanya bilang sanggol na Kristo, ay maantig sa awa at malasakit sa mga taong pinakanangangailangan ng ating awa at kapatawaran, at mag-uumapaw ang pagmamahal ni Kristo. Sa paraang ito, ang pagdiriwang natin ng Pasko ngayong Jubilee of Mercy ay tiyak na mapupuno ng biyaya.
Binabati natin ang lahat ng isang pinagpalang Pasko!