Nais patunayan ni 28th Southeast Asian Games Mary Joy Tabal na kaya niyang makapagkuwalipika sa 2016 Rio De Janeiro Olympics.
Ito ay kahit na hindi siya sinusuportahan ng namamahalang organisasyon na Philippine Track and Field Association (PATAFA) na pinamamahalaan ni Philip Ella Juico.
“Nais ko pong patunayan sa mga opisyales natin sa PATAFA na kahit na inalis nila ako sa national team ay kaya ko pa rin po na makapagkuwalipika sa Olympics sa pamamagitan ng pagsali ko sa susunod na taon sa prestihiyosong Boston Marathon,” sabi ng mula Barangay Guba, Cebu na si Tabal.
Inamin ni Tabal na napilitan itong magbitiw sa pambansang koponan dahil sa sobrang pulitika sa loob ng PATAFA at hindi pinapakinggan ng mga opisyales sa loob ng asosasyon ang kanilang kahilingan o mga hinihinging pabor para sa kanilang pagsasanay.
“May commitment din naman kasi ako sa ibang private organization, hindi ko naman iyon itinatago sa kanila. Hiniling ko nga na sana ay mabigyan nila ako ng pagkakataon na maidepensa ko ang titulo ko lalo na dito sa bansa natin ang ginaganap na karera pero ayaw nila,” sabi ni Tabal.
Bagamat nasa PATAFA ang lahat ng mga pagpoproseso, hindi rin makakapigil iyon kay Tabal upang ipagpatuloy ang pangarap na maging kinatawan ng bansa sa 31st Summer Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil na gaganapin sa Aug. 6-21, 2016.
“Kung hindi ako ma-qualify, wala akong magagawa. Pero kung makapasa ako at automatic na mag-qualify, nasa kanila na iyon kung hindi nila ako ipapadala. Basta ako, pinatunayan ko lamang sa kanila ang punto ko bilang isang atleta na kailangan din nilang intindihin,” sabi pa ni Tabal.
Hangad ng 26-anyos na si Tabal na matapatan ang oras na 2:42:00 sa 120th Boston Marathon sa Estados Unidos sa darating na Abril 18 upang mag-qualify sa Rio de Janeiro Olympics. Ang women’s marathon sa Olympics ay lalarga sa Agosto 14.
Bilang paghahanda ay nakatuon si Tabal sa unang dalawang yugto ng 2016 kung saan unang sasalang ito sa side event half-marathon ng 20th Standard Chartered Hong Kong Marathon sa Hong Kong sa Enero 17.
Inihayag ng Motor-Ace Philippines na balak nilang ipadala si Tabal para sa training sa Kenya o Japan bilang preparasyon sa Boston 42.185km footrace, habang tatapusin niya ang loaded ding schedule sa taong ito sa pagkaripas sa Liloan Triathlon sa mixed relay category. (Angie Oredo)