Dahil sa naging tagumpay sa nakalipas na apat na taon ng Philippine Secondary Schools Basketball Championships (PSSBC) Jumbo Plastic Linoleum Cup, nagbabalk na ngayon ang mga bumubuo sa kanilang board of governors na mag-imbita ng mga high school teams mula sa labas ng Metro Manila kabilang na ang mga galing ng Visayas at Mindanao sa mga susunod na taon.
Ito ang ibinalita ni PSSBC vice chairman at Rain or Shine team owner Terry Que.”We plan to make the event national in scope because there are teams from the South asking how they can join the event. I hope we can talk about this in our next meeting.”
Sa ngayon, mga koponan lamang mula sa UAAP, NCAA at Fil-Chinese federations ang lumalahok at naglalaban-laban sa nasabing torneo na ang pangunahing hangarin ay mabigyan ng pagkakataon ang mga high school player na maipamalas ang kanilang talent sa labas ng mga kinaanibang liga ng kanilang koponan.
Dito rin aniya, ayon kay Que nagkakaroon ng pagkakataon ang iba pang mga collegiate coach na makapag-scout ng mga player dahil napapanood ang torneo sa telebisyon bagamat nasa delayed basis.
Kahit aniya nangangahulugan na magkakaroon sila ng karagdagang gastos sa pag-iimbita ng mga koponan mula sa rehiyon ng Visayas at Mindanao, kumpiyansa si Que na susuportahan ng board ang planong ito lalo ng kanilang chairman na ang Jumbo Plastic Linoleum owner Jimmy dela Cruz.
Maliban kina Dela Cruz at Que, ang iba pang miyembro ng board ng liga ay sina Rudy Yu ng Dickies Underwear, Dioceldo Sy ng Blackwater Sports, Leoncio Chua ng MEC Networks, Jimi Lim ng Ironcon Builders, Dr. Cecilio Pedro ng Hapee Toothpaste at Eduard Tio ng Freego. (MARIVIC AWITAN)