HALOS kalahati ng unang pahina ng isang pahayagan ay okupado ng larawan ni Sen. Grace Poe nang siya ay nasa loob ng simbahan. Sa kanyang puting kasuotan, mag-isa siyang nakaluhod sa loob ng Jaro Metropolitan Cathedral sa Iloilo City. Kasisilang lang daw niya nang siya ay matagpuan doon 47 taon na ang nakararaan. Ipinagdarasal niya marahil na makita na niya ang kanyang magulang na nag-iwan sa kanya doon upang matuldukan na ang problema niya sa kanyang kandidatura. Ang hindi niya malaman ang kanyang magulang ay napakalaking sagabal sa mithiin niyang maging Pangulo ng bansa.
Kasi, ayon sa Saligang Batas, ang sinumang kakandidato sa pagkapangulo ay dapat na natural born citizen. Ang natural born citizen, ayon din dito, ay iyong isinilang na ang mga magulang ay Filipino citizen. Dahil hindi nga kilala ng senadora ang kanyang mga magulang, walang pagbabatayan kung siya ay natural born Filipino citizen. Sa isyung ito, nagwagi siya sa kasong isinampa para siya ay ma-disqualify bilang senador sa Senate Electoral Tribunal (SET). Nanalo man siya, ang tatlong mahistrado ng Korte Suprema na kasapi ng SET ay hindi kumatig sa kanya. Hindi raw siya natural born citizen na kuwalipikasyon din ng mga kumakandidato sa pagkasenador at kongresista.
Pero sa mga kasong isinampa sa Comelec laban sa senadora para siya ma-disqualify, natalo siya sa dibisyong nagdesisyon sa unang kaso. Sa pangalawang kaso, pinakakansela naman ng ibang dibisyon ang kanyang certificate of candidacy (CoC). Pero sa kasong ito, may isang commissioner na pumabor sa kanya. Ang mga kasong ito ay magkikita-kita sa Comelec en banc sa pag-apela ng senadora. Anuman ang maging desisyon ng Comelec en banc, aakyat ang mga ito sa Korte Suprema na naroroon na ang kasong nadesisyunan ng SET pabor sa senadora dahil umapela din dito si Rizalito David, na nagsampa ng kaso.
“Ang maging pangulo ng bansa,” wika ni Sen. Ninoy Aquino “ay destiny”. Sa kamay ng Poong Lumikha, aniya, nakasalalay ito. Kaya, kung ayon sa destiny ay magiging Pangulo ang senadora, lahat ng balakid, kasama na rito ang mga kasong nakabimbin laban sa kanya ay malalampasan niya. Kaya tama iyong magdasal siya. Kaya lang nga baka mali ang pinagdarasalan niya. Hindi naaayon sa ating kultura at nakaugalian na hindi maririnig ang kanyang panalangin kung totoong sa Cathedral ng Iloilo siya nakita, o kaya sa Iloilo mismo. (RIC VALMONTE)