IPINAGDIRIWANG ng Simbahang Katoliko ngayong araw ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento. Tinatawag itong “Gaudete Sunday” o “Linggo ng Kaligayahan”. Sisindihan ngayon ang pink na kandila sa advent wreath bilang simbolo ng maligayang paghihintay sa pagsilang ni Kristo at paggunita sa una niyang pagdating sa Bethlehem sa Araw ng Pasko.
Ang pagbasa sa misa ngayong araw ay humihimok sa atin na maging maligaya sa pagmamahal ng Diyos sa lahat ng oras. Sa unang pagbasa, hinikayat ng propetang si Zephaniah ang mga labis na nalulungkot na magbunyi. Tinutukoy sa pagbasa ang maraming dahilan kung bakit dapat nang magsaya ang sangkatauhan: Darating na ang tagapagligtas at sa kanyang pagdating, wala nang magiging pagdurusa. Sa ikalawang pagbasa mula sa Ikalawang Liham ni San Pablo sa mga Philippian, hinihimok din ang mga Kristiyano na magsaya at magbunyi dahil malapit nang dumating ang Diyos at papawiin Niyang lahat ng pangamba sa ating mga puso. Sa pagbasa, nagbabala si Juan Bautista sa mga tao na magbago na at ituwid ang kanilang mga maling gawi, dahil darating na ang Panginoon. Hinikayat niya ang mga tao na piliing tahakin ang daan patungo sa pagiging matuwid at mapagmahal. Kung gagawin ito ng lahat, tiyak na ang labis na pagbubunyi ng bawat isa sa atin.
Ang pagdating ni Kristo ay dapat na magdulot sa atin ng labis na kaligayahan dahil bitbit ni Kristo ang mabuting balita ng kaligtasan. Dapat na laging nasa puso ng mga Kristiyano ang kaligayahang kaakibat ng mabuting balitang ito. Sinabi ni Pope Francis, sa una niyang apostolic exhortation na pinamagatang “The Joy of the Gospel”, tungkol sa ating disposisyon bilang mga Kristiyano sa kasalukuyan: “The joy of the gospel fills the hearts and lives of all who encounter Jesus. Those who accept his offer of salvation are set free from sin, sorrow, inner emptiness and loneliness. With Christ, joy is constantly born anew.” Ang ating pakikipaglapit kay Kristo ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang laging magbunyi na kasama si Hesus, dahil siya ay ating kaibigan, kapatid, tagapagligtas at Diyos na mananatiling katabi natin sa buong panahon ng ating paglalakbay patungo sa Ama.
Sa panahong ito ng bagong ebanghelyo, ang kaligayahan sa mga pagbasa ang siyang magpapalapit sa sangkatauhan sa Diyos. Bilang mga Kristiyano at misyonero ng mabuting balita, dapat na lagi nating taglay ang diwa ng kaligayahan.
Sinabi ni Pope Francis, sa kaparehong apostolic exhortation: “An evangelizer must never look like someone who has just come back from a funeral!”Ang isang Kristiyano ay dapat na laging isapuso ang kaligayahan na nagmumula sa wagas na pakikipag-ugnayan kay Kristo.
Sa ating pagdiriwang sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, piliin natin na laging maging maligaya sa piling ng Panginoon.
May mga pagsubok at pagdurusa ngunit mas malaki ang Diyos kaysa lahat ng ito. Darating si Kristo upang magsimulang muli at magpataw ng hustisya sa mundo. Darating si Kristo upang pawiin ang ating kalungkutan at pagtangis at magdulot ng kaligayahan sa mga naglalakbay para sa katarungan at kapayapaan. Magalak tayo at magbunyi!