Isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) sa Disyembre 16 ang pagdinig sa disqualification case na isinampa laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte kaugnay ng kandidatura nito sa pagkapangulo sa 2016 elections.
Ang Comelec First Division ang hahawak ng kasong isinampa ni Ruben Castor laban kay Duterte, na iprinoklamang standard bearer ng Partido ng Demokrating Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) kamakailan.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Castor na hindi balido ang ikinasang substitution of candidate ni Duterte kay Martin Diño, na orihinal na kandidato ng partido.
Idinahilan ng petitioner na ang certificate of candidacy (CoC) na inihain ni Diño sa Comelec ay para sa pagka-alkalde ng Pasay City at hindi para sa pagkapangulo kaya hindi ito maikokonsiderang balidong CoC para sa 2016 presidential race.
Una nang iginiit ni Diño na clerical error lamang ang nangyari.
Malinaw rin, aniya, na kinikilala ng Comelec ang kanyang CoC sa pagkapangulo matapos siyang padalhan ng liham ng poll body na humihiling na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat na ideklarang nuisance candidate.
Ang pagdinig ay natapat isang araw matapos ang nakatakdang paglalabas ng Comelec ng opisyal na listahan ng mga kandidato sa Disyembre 15. (Mary Ann Santiago)