Laro ngayon

Cuneta Astrodome

1 pm Petron vs Foton

Malalaman na ngayong hapon kung sino ang mas matibay sa pagitan ng Foton at defending champion Petron sa kanilang pagtutuos sa winner-take-all Game 3 ng 2015 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix women’s volleyball sa Cuneta Astrodome.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakatakdang sumalang ang dalawang koponan sa natatanging labanan ganap na1:00 ngayong hapon kung saan panininidgan ng Foton ang bansag sa kanilang “Tornadoes” sa pagtatangka nilang maangkin ang unang korona sa kauna-unahang pagtuntong sa kampeonato at makapagtala ng kanilang sariling kasaysayan sa tatlong taon pa lamang ng inter-club volleyball tournament.

Ngunit hindi naman tiyak padadaig ang Blaze Spikers na tatangkaing depensahan ang hawak na titulo na kukumpleto sa hangad nilang grandslam.

Nakauna ang Tornadoes, ang tanging koponan mula sa ikaapat na puwesto na nakapasok sa kampeonato matapos na magwagi noong Game One, 14-25, 25-21, 25-19 at 25-22.

Ngunit nakuhang tumabla ng Blaze Spikers at makapuwersa ng Game Three kasunod ng kanilang 25-13, 25-21, 23-25 at 26-24 panalo noong Game Two.

“We were very sluggish from the start,” sabi ni Foton coach Villet Ponce de Leon. “We were expecting to pick it up in the second set, but hindi nangyari. We’re expecting Petron to come back aggressive, so nung training pa lang sinasabi ko na sa kanila yung capability na iyon ng Petron. Unfortunately, hindi naganap ang preparation namin.”

“Game 3 would be an even match,” sabi lamang ni De Leon. “We will start fresh, hopefully, maduplicate namin iyung naging laro namin noon sa semifinals,” sabi pa ni De Leon patungkol sa pagwawagi nito sa top seed na Philips Gold sa nakaraang semifinals.

Inaasahan naman na ibubuhos lahat ng Blaze Spikers ang kanilang kakayahan upang tuluyang malampasan ang kinakaharap na matinding hamon at maipakita sa lahat ang kanilang dominasyon.

“This is the most difficult conference for us,” sabi ni Petron coach Geroge Pascua. “That’s why I told the girls to give everything they can to win the crown. Wala nang bukas ito. Kung sino ang mas may puso at mas may desire manalo, sila ang siguradong makakakuha ng titulo.”

“It all boils down to who will have the desire and the fighting heart to win the crown,” sabi ni Pascua.

“Game 3 is not just an ordinary game. This is where heroes are born. We have to seize the opportunity and unleash all our weapons we have to make sure that we will emerge as the last team standing. Nandito na kami, ilalabas na namin lahat ng dapat ilabas,” dagdag nito.