SA walang katapusang patutsadahan ng mga anak ng mga dating pangulo ng bansa na sina Presidente Noynoy Aquino at Senador Bongbong Marcos ay lalong nalalantad ang kultura ng paghihiganti na likas sa sinuman. Lalong tumitimo sa isipan ng sambayanan na ang sinumang sinasaniban ng naturang kultura ay walang kinikilalang pagpapatawad, pag-unawa at malasakit sa kapwa.

Ang bangayan ng dalawang lider ng bansa ay nakaangkla sa masalimuot na isyu: Sino nga ba ang dapat humingi ng paumanhin sa bayan sa kani-kanilang pagkukulang o pagkakasala, kung meron man? Si Bongbong ang hinahamon na dapat manguna sa pagpapaliwanag sa mga kalupitan at karahasan kaugnay ng martial law na idineklara ng kanyang ama na si dating Presidente Ferdinand Marcos. Ang tanong: Dapat bang panagutan ng isang anak ang kasalanan ng kanyang ama, lalo na kung ito ay halos paslit pa lamang noon?

Totoo na naghari ang matinding takot at kaguluhan sa nabanggit na rehimen. Katunayan, kabilang tayo sa mga naging biktima ng mistulang pagpatay sa demokrasya at sa press freedom. Ipiniit ang itinuturing na kaaway ng naturang administrasyon at sinasabing marami ang bigla na lamang nawala. Maaaring nagbunga rin ito ng kabutihan. Subalit ang isyu rito ay ang lohika sa pagpapaako sa mga anak sa kasalanan ng kanilang mga magulang.

Sa kabilang dako, may hamon na dapat ding ihingi ni PNoy ng paumanhin at ito ay ang kapalpakan ng kanyang administrasyon. Ang hamon ni Bongbong ay bunsod umano ng mga pagkukulang na matugunan ang mga problema katulad ng kagutuman, kawalan ng trabaho at palpak na pamamahala sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Mayroon din kayang mga kasalanan ang kanyang mga magulang na dapat ihingi ng paumanhin ng anak?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang kultura ng paghihiganti ay hindi lamang sa nabanggit na mga pamilya nasasaksihan. Hindi ba sina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla, Jinggoy Estrada, dating Presidente Arroyo at dating Chief Justice Renato Corona ay mga biktima rin ng matinding paghihiganti? Mabuti na lamang at ang naturang mga paghihiganti ay nakatuon lamang sa mga isyu at walang naganap na pagdanak ng dugo.

Ang nabanggit na kultura ay hindi dapat kasangkapanin ng sinuman para sa makasariling hangarin. Sabi nga ng Panginoon: Sa akin ang paghihiganti. (CELO LAGMAY)