Taliwas sa ipinangangalandakang maayos na pamamahala ng Aquino administration, nalantad sa mga ulat na talamak pa rin ang mga katiwalian sa gobyerno. Tandisang ipinahiwatig ni dating DILG Secretary at presidential bet Mar Roxas na ang kabi-kabilang panggigipit ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang matinding balakid sa pamumuhunan ng mga foreign at local investors.
Sa isang presidential forum kamakailan, na itinaguyod ng Filipino alumni ng US Business Schools sa Manila Polo Club, walang kagatul-gatol na ipinahiwatig ni Roxas: “Harassment in the Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Immigration (BI), the ports, the airports, local government units (LGUs), and the Philippine National Police (PNP) are holding back the country from attracting more investors.” Ibig sabihin, kabi-kabila ang mga katiwalian at panggigipit sa nabanggit na mga ahensiya. Ang mga namumuhunan ay mistulang dumadaan sa butas ng karayom, wika nga, sa pagtatayo ng negosyo sa bansa.
Hindi maililihim ang kalbaryo na dinadaanan ng mga negosyante sa mahihigpit na regulasyon na ipinatutupad ng BIR, BoC, BI, bilang bahagi ng pagtatayo ng negosyo. Hindi ba laging may kaakibat na katiwalian sa mga transaksiyon sa nabanggit na mga ahensiya? Sa pagpasok pa lamang sa bansa at pagdaan sa ating mga paliparan, nagsala-salabat na ang sinasabing mga mangungulimbat na susunud-sunod sa mga mamumuhunan. Maidagdag pa rito ang kinatatakutan at kinasusuklamang “tanim bala” sa mga paliparan. Maging ang ilang tauhan ng PNP ay sinasabing nakikisawsaw na rin sa mga panggigipit at pangingikil sa dumarating at umaalis na mga pasahero.
Hindi kalabisang banggitin marahil ang iba pang anomalya na gumigiyagis din sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Kabilang dito, halimbawa, ang DoTC na umano’y nasangkot din sa bilyun-bilyong masalimuot na transaksiyon hinggil sa pag-angkat ng mga makinarya na kailangan sa MRT at LRT. Bukod pa rito ang mga palpak na sistema sa operasyon ng mga ito.
Sa harap ng mga ulat na ito, totoo ba ang ipinagmamalaking tuwid na daan? Hindi kaya inaalibadbaran ang sambayanan kapag naririnig ang naturang slogan? (CELO LAGMAY)