NAGDEKLARA na si Mayor Duterte ng Davao City na siya ay lalahok sa halalan 2016 bilang pangulo matapos nang paulit-ulit na pagtanggi. Nagkaroon tuloy ng batayan ang sinasabi ng ilang pulitiko na noon pa man ay hangad na niyang tumakbo, kaya lang pinalalaki pa lang niya ang kanyang pangalan at pinaglalaway ang mga taong pinipili siya bilang alternatibo sa mga naghayag na ng kanilang kandidatura. “Ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagbabasura sa disqualification case ni Sen. Poe,” wika niya, “ay siyang nagpabago sa aking nauna nang pasiya at ako ay tatakbo na sa pagkapangulo sa darating na halalan.” Hindi raw niya matatanggap ang American President.

Patama niya ito kay Sen. Poe na ang kanyang citizenship ay kinuwestiyon sa SET para mapatalsik. “Tumakbo ka na lang ayon sa iyong plataporma o programa at huwag mong gamitin ang kaso ni Sen. Poe,” sabi naman ni Sen. Chiz Escudero. Si Escudero ay vice presidential candidate ni Poe.

Kahit ano pa ang dahilan ni Duterte para tuluyan niyang ihayag ang layuning kumandidato sa pagkapangulo ay hindi mahalaga sa akin. Ang napakahirap lang tanggapin sa kanya ay ang nakasasawa na at nakabibinging pahayag na pumapatay siya ng tao. Maaaring epektibo niyang solusyon ito para maging mapayapa ang Davao City at talaga namang naging mapayapa ito. Pero ang Davao City ay maliit na bahagi lang ng bansa na nais niyang pamunuan. Maaaring iyong gumagawa o nais gumawa ng masama, sa takot na mapatay, ay nililisan ang Davao City at sa ibang lugar niya gagawin ang kanyang naisin.

Nalutas ba ang problema sa kabuan ng bansa? Noong panahon ni Pangulong Marcos, nang isailalim na niya ang bansa sa batas militar, nilikha niya ang Secret Marshall at Crimebuster. Ang layunin ng mga ito ay supilin ang hold-up sa mga pampasaherong sasakyan na araw-araw ay nagaganap. Animo’y may lisensiya ang mga ito na pumatay. Kaya, halos araw-araw pagsapit ng umaga, may nakikitang mga bangkay sa mga lansangan. Mga holdaper daw sila. Pero napigil ba ng pagpaslang ang ganitong krimen? Ang krimen ay dapat tingnan sa konteksto ng mas malaking socio-economic problem na ang pagpatay ng tao ay hindi pantapat na solusyon. (RIC VALMONTE)
Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika