TALAGANG matigas ang ulo ni Pangulong Noynoy Aquino. Kung may mga taong singtigas ng bato ang ulo at ayaw tumanggap ng payo o mungkahi, marahil ay nangunguna ang binatang Pangulo. Halimbawa nito ay ang hindi niya pagpayag sa gusto ng taumbayan at rekomendasyon nina Sen. President Franklin Drilon at Speaker Feliciano Belmonte Jr. na babaan ang ipinapataw na buwis (income tax) sa mga ordinaryong manggagawa. Gayunman, kumumporme agad siya sa panukalang taasan ang sahod ng pangulo, pangalawang pangulo at mga mambabatas.
Ginoong Pangulo, hindi ba’t madalas mong ipangalandakan na ang mamamayan ang iyong tunay na “Boss”? Eh, bakit ayaw mong makinig at sumunod sa kagustuhan nilang ibaba ang ipinapataw na buwis na 32% yata ng kakapurit nilang suweldo kada buwan. Samantala, sa mungkahi yata ni Budget Secretary Butch Abad, bigla mong tinaasan ang sahod ng presidente at bise presidente.
Alam ng publiko na bilang pangulo, ang bise presidente at ang mga mambabatas ay kayraming perk at allowance na kaakibat. Bukod pa ito sa PDAF at DAP na umano’y nakasingit sa pambansang budget. Itanong mo ito kay ex-Sen. Panfilo Lacson at ng ikaw at si Butch ay maliwanagan.
Talagang sarkastiko ang kaibigan kong palabiro. Itinatanong niya sa akin kung si PNoy raw ba ay nananaginip o nagbubulag-bulagan tungkol sa performance ng kanyang “bata” na si ex-DILG Sec. Mar Roxas batay sa mga survey result ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia Survey. Ayon kay PNoy, maganda ang resulta ng survey para kay Roxas.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na ginawa noong Oktubre 18-29, nangunguna pa rin si Sen. Grace Poe na nagtamo ng 39%; pangalawa si VP Jojo Binay na may 24% at pangatlo si Roxas na nagkamit ng 21%. Si Sen. Miriam Defensor Santiago ay pang-apat na nagtamo ng 11 %.
Sumakatuwid, si Ampon ay tumaas ng 13% mula sa dating 26% noong Setyembre; si Binay ay tumaas ng 19% samantalang ang “manok” ni PNoy ay tumaas lang ng isang puntos mula sa 20%. Si MDS ay umangat ng 8 puntos mula sa dating tatlong porsiyento. Samantala, talagang nabababawan ang mga tao, pati na ang mga netizen, sa ibinigay na katwiran ni Mayor Rodrigo Duterte kaya siya mapipilitang tumakbo sa 2016 election. Bakit idadahilan niya ang pasiya ng Senate Electoral Tribunal (SET)? Sino ba si Sen. Grace? Hindi naman siya ang may-ari ng Pilipinas o kaya’y isang reyna na kailangang patalsikin sa trono? Napakababaw mo, Mayor Digong!
Noong Martes, muling nagbaba ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Magandang balita ito sa mga motorista na halos naubos ang gasolina sanhi ng bigat ng daloy ng trapiko nitong APEC 2015 Leaders’ Summit. Bukod pa ito sa hirap at sakit ng katawan dahil hindi makatugon sa tawag ng kalikasan sa mahigit apat na oras na pagkakatengga sa lansangan.
Para sa akin, sasamantalahin ko ang pagbaba ng presyo upang makauwi sa bayan ko sa Bulacan upang dalawin ang mga kamag-anak at makumusta ang lagay ng bukid na nalubog sa baha dahil sa bagyong ‘Lando’. (BERT DE GUZMAN)