Isang pinaghihinalaang drug den ang sinalakay na nagresulta sa pagkakaaresto sa operator nito at anim na iba pang tulak, kabilang ang isang dating pulis, sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Tacloban City, Leyte, kamakalawa.
Base sa report ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac Jr., kinilala ang mga naaresto na sina Paul Labarda, 48, umano’y drug den operator na security officer ng Leyte Provincial Agriculture, at residente ng Block 4 Lot 24 Phase 4 Gurami Street, V&G Subdivision, Tacloban City.
Dakong 5:30 ng hapon nitong Lunes nang sinalakay ng PDEA agents ang drug den at isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Labarda at sa kasamahan nitong si Frederick Loi Ladera, 33, isang dating pulis ng Borongan, Samar.
Ang pito ay naaktuhang nagbebenta ng shabu sa isang PDEA agent sa bahay ni Labarda.
Arestado rin sa naturang raid ang mga tulak na sina Barry Daa, 39; Juldon Reyes, 36; Richard Montalla, 31; Danica Magrobang at Realyn Corre.
Nasamsam sa mga suspek ang limang sachet na may 73 gramo ng shabu na may street value P600,000, at iba’t ibang drug paraphernalia. (Jun Fabon)