Mga laro ngayon

Ynares Sports Center-Antipolo

3 p.m. Barako Bull vs. San Miguel Beer

5:15 p.m. Barangay Ginebra vs. Mahindra

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Target ng defending champion San Miguel Beer ang solong liderato sa kanilang pagsagupa kontra sa delikadong Barako Bull sa unang laro ngayong hapon sa nakatakdang double-header sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Magtutuos ang Beermen at ang Energy Cola sa ganap na 3:00 ng hapon para sa pambungad na laban na susundan ng tapatan ng Barangay Ginebra at ng Mahindra sa tampok na laro ganap 5:15 ng hapon.

Kasalukuyang kasalo ng Alaska ang San Miguel sa pangingibabaw taglay ang barahang 4-1, panalo-talo, habang nasa 4-way tie sa ikatlong posisyon ang katunggali nilang barako Bull hawak ang barahang 3-2, panalo-talo kapantay ng Globalport, NLEX at Talk ‘N Text.

Manggagaling ang Beermen sa back-to-back wins, pinakahuli kontra Barangay Ginebra Kings noong Nobyembre 15 sa iskor na 100-82, habang magbubuhat din sa panalo ang Energy Cola noong nakalipas na Nobyembre 17 kontra Mahindra Enforcers, 93-85 sa larong idinaos sa Binan, kaguna.

Patuloy na pagtutulungan ang inaasahan ni Barako coach Koy Banal mula sa kanyang mga player upang maipagpatuloy ang maganda nilang nasimulan.

“If we will put effort day in and day out not only in games but in practice, sky’s the limit. We’re 3-2, hope we can sustain that. Iron sharpens iron, everyone has to help each other,”pahayag ni Banal.

Sa kabilang dako, muli namang sasandigan ng Beermen ang kanilang pambatong sentro at reigning back-to-back MVP na si Junemar Fajardo upang mamuno sa kanila kabalikat ang mga beteranong sina Arwind Santos, Chris Ross, Marcio Lassiter, Ronald Tubid at Alex Cabagnot.

“I’m happy to see all my players na nasunod ang gameplan namin. I just hope na magtuluy-tuloy ito,” pahayag naman ni San Miguel coach Leo Austria.

Samantala sa tampok na laro, magkukumahog namang bumangon mula sa kabiguang nalasap sa kamay ng Beermen ang Kings upang umangat mula sa kinalalagyang ika-apat na posisyon kung saan magkatabla sila ng Star na may laro kahapon kontra Meralco Bolts sa Cuneta Astrodome hawak ang barahang 2-3, panalo-talo.

Para naman sa kanilang katunggaling Mahindra, pipilitin din nitong makabangon mula sa kinasadlakang ika-apat na kabiguan sa loob ng limang laban sa kamay ng Barako Bull noong nakaraang Nobyembre 17 sa Binan. (MARIVIC AWITAN)