Mga laro ngayon

Cuneta Astrodome

3 p.m. Rain or Shine vs. Blackwater

5:15 p.m Meralco vs. Star

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Patuloy na makaagapay sa liderato ang tatangkain ng Rain or Shine sa kanilang pagsalang kontra Blackwater ngayong hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2016 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa 4-way tie pa sa ikalawang posisyon ang Elasto Painters hawak ang barahang 3-1, panalo-talo, kapantay ng Alaska, Globalport at Talk ‘N Text. Ngunit bago matapos ang araw ay siguradong may aangat na sa tatlong kasalo nila sa second spot kapantay ng namumunong San Miguel Beer dahil nakatakdang sumalang ang nabanggit na tatlong koponan sa dalawang magkahiwalay na laban sa Araneta Coliseum.

Inaasahang magkukumahog ang Elasto Painters na makabawi mula sa sorpresang kabiguan sa kamay ng Globalport Batang Pier noong nakaraang Biyernes kung saan inungusan sila ng huli, 111-113, sa pamamagitan ng buzzer-beater jumper ni Stanley Pringle.

Sa panig naman ng kanilang katunggaling Elite, magsisikap naman itong masundan ang nag-iisang panalo sa unang apat na laro upang pumantay sa ikalimang posisyon kung saan magkasalo ngayon ang Barangay Ginebra at Star na kapwa may barahang 2-3, panalo-talo.

Matapos makatikim ng kanilang unang panalo kontra sa winless pa ring koponan ng Meralco, muling sumayad sa lupa ang mga paa ng Elite matapos silang pasadsarin ng Beermen sa kanilang nakaraang laro, 93-83.

Samantala, sa tampok na laban, magkukumahog namang makabasag sa win column ang Bolts na hanggang ngayon ay hindi pa nakatitikim ng panalo matapos ang limang laro sa pagtutuos nila ng Star Hotshots ay magtatangka namang kumalas sa kasalukuyang pagkakatabla nila ng Kings sa 5th spot .

Tatangkain ng Hotshots na makabalik sa winning track pagkaraang ipalasap sa kanila ng Talk ‘N Text ang ikatlo nilang kabiguan sa larong dinaos sa Lucena City noong Sabado sa iskor na 86-91. (MARIVIC AWITAN)