Nabulabog ang security personnel ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos makatanggap ang tatlong airport telephone operator ng pagbabanta mula sa hindi kilalang caller na nagsabing may sasabog na bomba sa paliparan, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Church Hill Decembrada, NAIA telephone operator, na nakatanggap siya at dalawa pa niyang kasamahan ng tawag mula sa isang lalaki na nagsabing “may itinanim kaming bomba sa NAIA Terminal 1, 2 at 3 at sasabog ito mula 8am hanggang 5pm.”
Ayon kay Decembrada, limang beses tumawag ang naturang lalaki na nagsabi ring isang buwan na ang nakararaan nang itinanim nila ang bomba sa pasilidad.
Dahil dito, sinuyod ng mga tauhan ng Aviation Security Group Bomb Squad ang airport complex sa paghahanap sa bomba ngunit walang natagpuan ang mga ito.
Nagtalaga rin ang airport authorities ng K-9 team upang hanapin ang itinanim na bomba, subalit negatibo ang resulta ng operasyon ng mga bomb-sniffing dog.
Sa kabila ng bomb threat, sinabi ng airport officials na nananatiling kalmado ang mga empleyado sa tatlong paliparan.
Nataon din na paalis si US President Barack Obama at ang iba pang state leader na dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting nang matanggap ng NAIA ang bomb threat. (ARIEL FERNANDEZ)