JOHN LLOYD AT BEA copy

NAGKAROON ng cult following nang ipalabas noong 2007 ang One More Chance (Star Cinema) na pinagbidahan nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo mula sa direksiyon ni Cathy Garcia Molina.

Ito ang naging ‘nanay’ ng usung-usong hugot movies na napakalakas ng magnet sa takilya ngayon. Naging bukambibig ang mga linya nina Popoy at Basha na, “Sana ako pa rin. Ako na lang. Ako na lang ulit,” at “She had me at my worst. You had me at my best… and you chose to break my heart.”

Pambihirang nahuli ng pelikulang ito ang imahinasyon at temperamento ng maraming moviegoers, lalo na ang young adult na young professionals na ngayon. Feel na feel nila ang roller-coaster na damdamin ng main characters na sina Popoy at Basha.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Lovers na inaasahan ng lahat na sa kasalan na mauuwi, pero nakipag-break si Basha na sakal na sakal na sa relasyon nila ni Popoy.

Hanggang ngayon, marami ang umaamin na hindi nila pinagsasawaang ulit-ulitin ang panonood ng One More Chance na open-ended -- sa pagbabalikbayan ni Popoy, muling pagkikita nila ni Basha na niyaya niyang mag-dinner.

Kaya noon pa man, matindi na ang clamor sa Star Cinema na gumawa ng sequel para malaman kung ano ang nangyari sa dalawa.

After eight years, muling mapapanood sina John Lloyd at Bea bilang Popoy at Basha.

Dahil sa napakaraming nag-aabang sa A Second Chance, may movie buffs na nagsasabing baka ito na ang lumampas sa P573 million na kinita ng Starting Over Again na pinagbidahan naman nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga.

Ayon sa Star Cinema insider, ang team uli nina Direk Cathy at scriptwriters na sina Carmi G. Raymundo at Vanessa R. Valdez ang nasa likod ng sequel. Ipapakita ang pagsasama nina Popoy at Basha pitong taon pagkaraang bigyan nila ng “one more chance” ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Mapapanood ang mga realidad ng buhay may asawa, na hindi lahat ng pagbabalikan ay happy ending, lalo na’t bigo si Popoy sa kanyang career at ginagawa ang lahat upang maisalba ang kanyang negosyo at kumpiyansa sa sarili. Naging devoted housewife naman si Basha, maraming isinakripisyo upang mapanatiling buo ang kanilang married life.

Paano mananatili ang pagmamahal ng dalawang tao na pareho nang nagbago?

Sa November 25 ang playdate ng A Second Chance. (DINDO M. BALARES)