KUNG taimtim ang iyong paniniwala sa katarungan ng simulaing isinusulong, pananagutan mong gawin ang lahat sa buhay upang mahalal at maipatupad ang tanging hangarin para sa bayan. Ito ang buod ng binitawang mungkahi na naging gabay ng yumaong Senador Ninoy Aquino. Kung tumalima lang sana si Salvador “Doy” Laurel sa payo ng kababata at ka-“brod” sa fraternity, tiyak hindi ganito ang naging kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas. Pagkatapos ng Martial Law sa pagbuka ng mga talulot ng kalayaan.

Sa mga hindi nakakaalam, isinalin na ni Ninoy Aquino kay Doy ang pagpapatuloy ng laban sa pagkakamit ng demokrasya nang umalis papuntang Amerika at magpa-opera sa puso. ‘Di ba’t naitatag ang UNIDO (United Nationalist Democratic Organization) na bumangga sa KBL ng Malacañang sa ilang halalan?

Noong halalan 1984, nasa 60 assemblyman ang nahalal, habang ang mga personal na pinili ni Cory ay puro talunan.

Kinasangkapan ng ibang lider ng oposisyon na nagtago sa Amerika si Cory upang makabalik sa kapangyarihan. Sa pagkamatay ni Ninoy, sinindikato nila ang balong Maybahay na nagkunwaring hindi interesado na maging presidente upang patirin si Laurel at ang UNIDO. Ilang mga pangalan ang kumontra sa pagpayag ni Laurel na maging Bise Presidente ni Cory. Nariyan si Mrs. Celia Laurel, Raul Gonzales, aking ama (dating Senador Rene Espina) at iba pa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil sa prinsipyo. Sa patung-patong na suliraning kinakaharap ng bansa dahil sa diktadura, kabalintunaan na isang Maybahay lang, na aminadong walang alam sa pagpapatakbo sa pamahalaan, ang binasbasang humalili. Ano ito mana-mana sa apelyedo? Kumpiyansa kami na kung itinuloy ni Doy ang pagkandidato nito bilang pangulo noong 1986 ito ang mangyayari. Una, sa huling segundo, aatras si Cory at papayag na maging Bise ni Doy dahil mas malaking karangalan ang mawawala sa kanya bilang balo ng “bayani” kung itututloy niya.

Ikalawa, sakaling dalawa ang maging kandidato ng oposisyon, panalo ang Palasyo sa daya at papangalawa sa bilangan si Laurel dahil sa suporta at pagbabantay sa presinto ng partido. Habang si Cory ay siguradong papangatlo lang. Ibig sabihin, si Cory ang may sabit at sisisihin dahil binasag ang mayorya ng oposisyon. Ikatlo, sa Edsa People Power, si Laurel ang hihiranging pangulo. At lahat ng kapalpakang dinanas noon at ngayon ay naiwasan sana. Si Doy ang nagsakripisyo para sa kalayaan. Eto tayo ngayon.

(ERIK ESPINA)