Winalis ng Philippine Army (PA) ang Philippine Coast Guard (PCG), 25-4, 25-12, 33-31, noong nakaraang Linggo ng hapon upang pormal na umusad sa semifinals ng Sharkey’s V League Reinforced Conference sa San Juan Arena.

Matapos ang maagang panalo sa unang dalawang set, nadikdik ng husto ang Lady Troopers sa third set, nang makipagsabayan sa kanila ang Lady Dolphins at hatakin ang laro hanggang 31-all.

Naselyuhan lamang ng Army ang panalo matapos ang isang kill mula kay Tubino na sinundan ng service ace ni Mary Remy Joy Palma.

Umiskor si Jovelyn Gonzaga ng 20 puntos na kinapalooban ng 17 hits, 2 aces at isang block upang pamunuan ang nasabing panalo ng Army, ang kanilang ikalimang sunod na panalo sa 6- team tournament na ito na itinataguyod ng Sharkey’s.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag ambag naman sina Palma at Tubino ng 13 at 11-puntos, ayon sa pagkakasunod, habang nanguna sa Coast Guard na tuluyan ng nawala sa kontensiyon sa pagbagsak sa barahang 1-4, panalo- talo si Rossan Fajardo na mayroon lamang 7 puntos.

Sa isa pang laro, humihinga pa ang baguhang Kia Forte makaraang maipanalo ang ika-apat nilang laro kontra University of the Philippines (UP), 25-22, 19-25, 25-15, 25-19.

Umiskor si Mina Aganon ng 15-puntos upang pamunuan ang panalo ng Kia na nag-angat sa kanila sa barahang 1-3, panalo- talo, isang panalo ang pagkakaiwan sa pumapang-apat na Philippine Navy (PN) na may barahang 2-3.

Dahil sa kabiguan, bumaba naman ang Lady Maroons sa barahang 3-2, panalo- talo, ngunit nanatili pa rin ito sa ikatlong puwesto. (Marivic Awitan)