MAY tatlo na namang pasahero sa NAIA ang nahulihan ng bala sa kani-kanilang bagahe. Ang paliwanag ng una, ginagamit niya itong anting-anting, iyong pangalawa, napulot daw niya at iyong ikatlo, hindi niya naalis sa kanyang bag pagkatapos mag-ensayo sa pagbaril. Nangyari ang mga ito sa kasagsagan ng imbestigasyon ng mga sangay at ahensiya ng gobyerno laban sa tanim-bala. Pagdududahan mo na ang mga ito na sadya itong ginagawa. Bakit nga ba hindi, eh ang layunin nito ay palabasing normal lang na may pasaherong nagdadala ng bala at ang tanim-bala ay walang batayan. Mahirap takpan ang katiwaliang ito lalo na nga’t marami na ang lumantad na biktima nito.

Napakadaling gamitin sa pangongotong ang tanim-bala. Una, ang parusang ipinapataw sa mga nahuhulihan ng bala, isa man o marami, ay anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong. Ikalawa, basta’t nahulihan ka ng bala ay mananagot ka na. Hindi na kailangan alamin pa kung may masama kang paggagamitan nito. Ikatlo, habang kampante kang makapagbibiyahe, eh magugulat ka na lang na may bala na sa iyong bagahe. Dahil dito, pipigilin ka na nga, kakasuhan ka pa. May magagawa ka pa ba kundi ang umareglo na iaalok sa iyo?

Dahil dito, kahiya-hiya na ang imahe ng ating paliparan. Binabalot na ng mga pasahero ang kanilang mga bagahe ng plastic. Sinulatan pa ng mga naglalakihang letra na nakikiusap sa mga airport personnel na huwag nila itong taniman ng bala. Nakunan ito ng larawan na naging viral sa social media. Kaya, ang lahat ay naalerto na sa hindi magandang nangyayaring sa ating paliparan. Maging ang United Nation ay nagbabala sa kanilang mga personnel na nasa ating bansa na mag-ingat at gawin ang ginagawa ng ibang pasahero na binabalot mabuti ang kanilang bagahe. Sa nangyayaring sa ating paliparan, ang pinuno nito na si General Manager Jose Angel Honrado ay walang ginawa. Matapang pa at sinabi niyang hindi siya umaatras sa laban. Nababagay din sa kanya ang katanungan ni Pangulong Noynoy para sa mga taga-Bureau of Customs. “Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha?” Magulo na nga ang iyong nasasakupan at inilalagay pa nito sa kahihiyan ang ating bansa, ganyan lang ang reaksyon mo? Mag-resign ka na. (RIC VALMONTE)
Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika