KIDAPAWAN CITY – Isang lalaki na umano’y “special child” ang pinaghahanap ngayon ng pulisya dahil sa pagdukot sa dalawang lalaking menor de edad, na hinalay pa umano niya ang isa.

Sinabi ni Laura Santa Maria, residente ng Nursery Phase 1 ng Barangay Poblacion dito, na tinangay ng suspek ang kanyang anim na taong gulang na anak na lalaki at isa pang batang lalaki sa kanilang lugar nitong Oktubre 26.

Ang 27-anyos na suspek ay may utak na gaya ng sa isang 10-anyos na bata, ayon sa kanyang pamilya.

Gayunman, ayaw itong paniwalaan ni Santa Maria.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Hindi siya special child. Marunong ngang magsugal ‘yun. Marunong magbilang ng pera. Nasiraan lang ‘yun ng utak dahil nalulong sa droga,” giit ni Santa Maria, na matagal nang kapitbahay ng suspek.

Ayon sa mga saksi, tinangay ng suspek ang anak ni Santa Maria at isang walong taong gulang na bata sa kanilang lugar, dakong 4:00 ng hapon nitong Oktubre 26.

Huli silang nakitang naglalaro sa isang purok sa Nursery Phase 1.

Makalipas ang dalawang oras, hindi na umuwi para maghapunan ang anak ni Santa Maria, kaya labis na nangamba ang huli.

Kalaunan, nabatid niya na isa pang batang lalaki ang nawawala sa kanilang lugar, at hindi nila natagpuan ang dalawang paslit kaya dumulog na sila sa pulisya.

Makalipas ang ilang araw, napag-alaman ni Santa Maria na nakita ang suspek at ang dalawang bata sa General Santos City, kaya agad silang nagtungo, kasama ang mga magulang ng isa pang bata, sa lugar hanggang sa mabawi ang mga ito noong Linggo, ngunit wala ang suspek.

Sinabi ng mga bata na hindi sila binigyan ng pagkain at tubig ng suspek sa loob ng maraming araw.

Plano ni Santa Maria at ng mga magulang ng isa pang bata na kasuhan ng kidnapping ang suspek, na iginigiit nilang hindi special child.

Sinabi naman ng isa pang bata na minolestiya siya ng suspek sa isang sagingan sa GenSan, at nagpositibo ang akusasyon, batay sa medical records ng paslit. (MALU CADELINA MANAR)