Emosyonal na ibinahagi ng kapatid ng nasawing coast guard personnel mula sa trahedyang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 na hindi sila nakatanggap ng anumang update mula Philippine Coast Guard (PCG).
Sa panayam ng naulilang kapatid ni CG AlKaizer Hadjail sa RMN Zamboanga noong Linggo, Pebrero 1, ibinahagi niyang ikinuwento raw sa kanila ng ilang survivors na natulungan pa sila ni SN1 Hadjail habang nakasuot ito ng life vest.
Gayunpaman, kutob niya ay ibinigay na ng kuya niya ang life vest nito sa iba dahil nang makita nila ang litrato ng bangkay ng kapatid, wala na raw itong suot na life vest.
Bukod pa rito, base rin daw sa abogado ng pamilya nila, narinig pa raw nito ang boses ng kuya niya na nagbibigay ng direksyon sa taas ng barko.
“Kasi that time, pumunta sila ng RORO kasi doon siya in-assign. Tapos sumakay siya doon sa barko kasi kailangan na niya mag-duty kinaumagahan. ‘Yong ibang survivors, ‘yong mga nakasaksi no’n, tumulong pa siya doon. Naka-life vest siya. Tapos ‘yong survivors na nagsabi no’n tinulungan pa sila. Ang sabi ng isa, naka-life vest daw. Pero ngayon nakita namin ‘yong picture, wala na. Wala na siyang life vest, siguro binigay niya sa iba,” emosyonal na pahayag ng kapatid.
Sa nasabi ring panayam, tinanong niya ang Coast Guard Zamboanga kung bakit hindi pinahanap ang kapatid, iginiit din niya na hanggang sa kasalukuyan, wala pa silang naririnig na kahit anong update mula sa mga awtoridad dito.
“Ngayon po nananawagan ako sa head ng Coast Guard dito sa Zamboanga. Alam po ninyo na nawala ang kapatid ko, pero bakit hindi po ninyo pinahanap? Naiintindihan ko na may mga dineploy kayong Coast Guard sa dagat para hanapin ‘yong iba, para mag-rescue ng iba. Pero ‘yong kapatid ko, Coast Guard ‘yon. Ang dami nang Coast Guard, ang dami nang speedboat, hindi po ninyo pinahanap. Hanggang ngayon, wala kaming narinig sa inyo,” direktang panawagan ng kapatid.
Sa kabilang banda, nilinaw naman ng PCG sa isa pang pahayag nitong Lunes, Pebrero 2, na naging maagap sila sa pagbibigay ng update sa mga kaanak ni SN1 Hadjail.
Anila pa, ang unit na kinabilangan ni SN1 Hadjail ay nagsagawa ng isang focused “search and rescue” operation para matunton ito, kasabay ang malawakang paghahanap pa ng iba pang nawawala mula sa trahedya.
“Captain Cayabyab respectfully clarifies that since the maritime incident was officially reported, the family of SN1 Hadjail, particularly his spouses and brother, had been consistently informed of developments through proper communication channels,” paglilinaw ng PCG.
“Furthermore, the Coast Guard Intelligence Force (CGIF), the unit where SN1 Hadjail was assigned, conducted a separate and focused SAR operation dedicated solely to locating him, in parallel with the broader SAR efforts related to the maritime incident,” dagdag pa rito.
Bilang pagsuporta at pakikiramay, personal na bumisita si CGIF Commander, Captain Alvin Dagalea PCG, sa mga naulilang kaanak ni SN1 Hadjail.
“As a gesture of support, the CGIF Commander, Captain Alvin Dagalea PCG, personally paid his respects to the family during his visit,” saad ng PCG.
“The search for our fallen Coast Guard personnel, along with the continued efforts to locate other missing passengers and crew members, is pursued with utmost commitment and professionalism, guided by our duty to the public and to the families who place their trust in us,” saad naman ng Coast Guard Spokesperson sa nasabing pahayag.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
KAUGNAY NA BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Sean Antonio/BALITA