June 30, 2026

Home BALITA

Dalawang driver na nagbugbugan sa kalye, yari sa LTO

Dalawang driver na nagbugbugan sa kalye, yari sa LTO
Photo courtesy: LTO


Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng isang show cause order (SCO) laban sa dalawang drayber na nagsapakan at nagbugbugan sa isang “road rage incident” sa Cainta, Rizal.

Kaugnay ito sa isang viral video sa Facebook kung saan mapapanood ang kuha ng dalawang drayber na nagtalo at nagkapisikalan—na nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko at perwisyo sa mga motorista.

Nakasaad sa naturang order na ang dalawang drayber ay inoobligang humarap sa mga pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) kaugnay sa insidente, sa darating na Huwebes, Pebrero 5, 2026.

Kasama ring inobliga ng LTO ang mga may-ari ng sasakyan, na minanduhang magsumite ng isang paliwanag kung bakit hindi sila dapat maparusahan ng mga kasong administratibo gaya na lang ng Compulsary Registration of Motor Vehicle, Reckless Driving, at Obstruction of Traffic.

Layon din ng pagpapaliwanag na maiwasan ang pagka-revoke o pagkasuspinde ng kanilang lisensya.

National

‘Maximum tolerance’: DILG, nirerespeto 'surprise rally' ng INC!



Pinatawan naman ng pansamantalang suspensyon ng kanilang lisensya ang dalawang drayber na nagsapakan sa loob ng 90 araw.

Ayon kay LTO Asec. Markus Lacanilao, hindi umano tinatanggap ng kanilang ahensya ang ganoong uri ng pag-uugali, na posibleng magdulot ng disgrasya at panganib sa ibang tao.

“Ang ‘road rage’ at ang expired na rehistro ng sasakyan ay nagbabanta sa kaligtasan ng publiko at sa batas trapiko sa ating mga kalsada. Hindi tatanggapin ng LTO ang anumang pag-uugali na nagdudulot ng panganib sa ibang mga motorista o hindi pinapahalagahan ang mga regulasyon sa transportasyon,” ani Lacanilao.

Giit pa niya, “Ang aksyong ito ay nagpapatibay sa aming pangako na ipatupad ang pananagutan at isulong ang responsableng paggamit ng mga kalsada sa lahat ng mga driver at may-ari ng sasakyan.”

Vincent Gutierrez/BALITA