Ipinakukulong ng Sandiganbayan ang dating alkalde ng Albay kaugnay ng maanomalyang pagkukumpuni sa limang sasakyan noong 2003.
Sina dating Camalig Mayor Paz Muñoz at Municipal Engineer Rene Ortonio ay ipinakukulong nang walong taon matapos mapatunayan silang nagkasala sa kasong graft nang pumasok sa maanomalyang maintenance contract na aabot sa P450,000.
Bukod sa pagkakapiit, pinagbawalan na ring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno sina Muñoz at Ortonio.
Nag-ugat ang reklamo nang matuklasan ng Commission on Audit (CoA) ang iregularidad sa P447,027.53 project sa pagkukumpuni ng mga sasakyan, kabilang na rito ang carwash service, na ipinagkaloob sa Legazpi Tireworld Corporation.
Kabilang sa mga iregularidad ay ang kakulangan ng mga pre- and post-inspection report at tamang pagka-canvass para sa pagkukumpuni, gayundin ang mga kahilingan sa bidding at pagsusumite nito na walang petsa.
Depensa ni Muñoz, isa lang itong “honest mistake” at hindi nito sinasadya dahil na rin umano sa dami ng trabaho nito.
Gayunman, hindi ito pinaniwalaan ng hukuman. “These irregularities are too numerous and blatant to be attributable to honest mistake. More importantly, they relate to the conduct of canvass which is mandatory under the law,” ayon sa desisyon ng korte. (ROMMEL P. TABBAD)