Isang babae ang nagsabi sa kanyang kaibigan: “Kapag ako namatay, gusto ko i-cremate at ikalat ang mga abo ko sa mall.”
Nagulat at nagtaka ang kanyang kaibigan at sinabing: “Hindi ba ang weird no’n? Bakit mo nasabi ‘yon?
Sumagot ang babae: “Para lagi akong bibisitahin ng mga anak ko.” (Palagi silang pumupunta sa mall ngunit bihirang bisitahin ang kanilang nanay).
Nagpapakita lamang ito na madalas nating nakakalimutan ang ating mga mahal sa buhay, lalo na ang mga yumaong kamag-anak. Kung kaya’t makabuluhan ang pagdiriwang ng All Souls’ Day upang alalahanin ang mga mahal sa buhay na sumakabilang buhay na.
Hindi lingid sa atin na nalalayo na tayo sa orihinal na ideya sa pagdiriwang ng All Souls’ at Saints’ Day.
Ang pagdiriwang natin ay mas nakatuon sa makamundong bagay imbis na sa aspetong pang-espirituwal.
Katulad ng mga Halloween party at bargain sales, “Trick or Treat,” ng mga ispiritu at multo.
Halimbawa, sa pagdaraos ng Halloween party, bigo tayong pagnilayan ang huling mga bagay sa ating buhay: sarili nating kamatayan, ang ating kaluluwa, ang buhay pagkatapos ng kamatayan, ang ating mithiing maging santo.
MAYROONG PURGATORYO. Naniniwala ang mga Katoliko na ang panalangin para sa mga yumao tuwing All Souls’ Day ay awtomatikong naniniwala na may purgatoryo.
Ang paniniwalang may purgatoryo, na isa sa mga itinuturo ng simbahan at kabilang sa Catholic Creed, ay nagsasabi na ang namatay sa piling ng Panginoon ngunit hindi perpektong malinis ang pagkatao ay nililinis doon.
Ang ibang Christian denominations, katulad ng Protestants, ay naniniwala lamang sa Langit at Impyerno ngunit hindi sa gitnang kalagayan na tinatawag na purgatoryo. (Fr. Bel San Luis, SVD)