GINAWARAN ang ABS-CBN Sports Best ng Sports Digital Platform award para sa “Isang Bayan Para Kay Pacman” campaign ng ABS-CBN sa kauna-unahang Asia Sports Industry Awards na ginanap sa New World Hotel.

Ang “Isang Bayan Para Kay Pacman” ay isang kampanya na tumagal ng isang buwan sa pagpo-promote ng pag-ere ng laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa ABS-CBN. Naging epektibo ang digital interactivity ng naturang kampanya na gumamit ng hashtag na #OneForPacman.

Isa sa mga tumatak sa naturang kampanya ang pagkakaroon ng punch meter sa isang special website na maaaring makisuntok ang sino mang nagbabasa nito para ipakita ang suporta kay Pacman. Layunin nitong ipakita na sa bawat suntok ni Pacman ay kasama ang lakas ng milyun-milyong Pilipino. Umabot sa 126 na milyon na suntok ang nalikom sa nasabing website para sa laban ni Pacquiao.

“Patunay lang ito na ang lakas ng teamwork at excellence sa ABS-CBN Sports ay kayang tapatan at higitan ang mga pinakamaganda’t pinakamagaling na kampanya sa ating rehiyon. Naipakita natin sa ating mga kapitbahay dito sa Southeast Asia na kaya rin natin makipagsabayan sa ating mga sports marketing na proyekto,” sabi ni ABS-CBN Sports Head Dino Laurena.

Tsika at Intriga

Carlos Yulo, wala pa raw naibibigay na tulong sa pamilya kahit palihim na abot?

Ang Asia Sports Industry Awards ay kumikilala sa business leaders, mga organisasyon, mga pasilidad, at kampanya sa mundo ng sports na nagkaroon ng kontribusyon sa patuloy na paglaganap nito sa Southeast Asia.

Ang ABS-CBN Sports ay sports arm ng Kapamilya Network na naghahandog sa free TV ng sports programs at mga sikat na liga tulad ng NBA, UEFA Champions League at iba pa. Ang Kapamilya Network din ang tahanan ng dalawa sa pinakasikat na liga sa bansa, ang collegiate basketball leagues na NCAA at UAAP. Nagpapalabas din sila ng malalaking laban sa mixed martial arts ring ng UFC at ng lifestyle shows tulad ng Upfront at the UAAP. (ADOR SALUTA)